Kapatid: ¡Kay laking pagkabigó mo! Oo, nabigo ka; sapagka’t kaya mo binili at babasahin itong Agawan ng̃ Dang̃al, ay sa paniniwala mong ito ay kagaya ng̃ mg̃a nabasa mo nang akda, na pawang mahahalaga at matatamis. Samantalang ang Agawan ng̃ Dang̃al ay dahóp na dahóp sa palamuti ó hiyas na iyán. Salat sa matatamis na pananagalog. Dukha sa matatayog na isipan. Kapós sa mararang̃al na turo. Paano’y ako sa Lupon ng̃ mg̃a Manunulat ng̃ “Kami Naman”, ay isang baguhan sa larang̃an ng̃ panulat. Lakas-loob lamang ang umakay at nagbunsod sa akin. Gayón ma’y naniniwala akóng pakikinabang̃an mo upang gawing aliwan. At huwag nawang kumupas ang kapuripuri mong pagmamahal sa wikang tagalog.
Ang Kumatha.
Ang AGAWÁN ÑG DAÑGAL ay siyáng ikátlóng aklat ñg Aklatan ñg “Kamí Namán” na pinalabás ñg Lupon ñg mga Manunulat. Una ang “Tagumpay ñg Apí” ni Bb. Pascuala Pintor at ikalawá ang “Tuntunin ñg Pulong” ni G. Rosendo S. Cruz.
Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay ipinagbibilí sa lahát ñg bilihan ñg aklat dito sa Maynila, sa halagáng dalawang piseta (₱0.40) ang bawa’t salin.
Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay mababasa rin ñg mga na sa lalawigan, kung magpapadalá ñg halagáng isáng salapi (₱0.50) kay Bb. Carmen de la Rosa sa Aklatan ñg “Kamí Namán”, 1045, daang Dart, Pako, Maynila, K. P.
Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay mapapakyáw sa Aklatan ñg “Kamí Namán” at nagbabawas ñg malakí sa halagá.
Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay aring tunay ñg kumatha.
Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay gaya rín ñg lahát ñg sinulat ñg mga tagá “Kamí Namán”, na maaaring bilhín sa pamamagitan ñg liham. Sumulat at ilakip ang halaga ñg aklat at gugol sa selyo sa nasabi ñg Aklatan ñg “Kamí Namán”, at walang salang di nila tatanggapín sa pagbalík ñg korreo. Dapat ipadalá ang kalatas kay Bb. Carmen de la Rosa, ang Pañgulo ñg Lupon ñg mga Manunulat ñg “Kamí Namán”.
AKLATAN ÑG
“KAMI NAMAN”
1045, DAANG DART, PAKO, MAYNILA, K. P.
LUPON NG MGA MANUNULAT
MGA KATHANG LUMABAS NA
UNANG AKLAT
TAGUMPAY NG API
Katha ni Bb. Pascuala Pintor, Pang̃ulo ng̃ Lupon ng̃ mg̃a Bituin ng̃ “Kami Naman” at pang̃atlo sa mg̃a babaing pilipina na sumulat ng̃ nobela. Ang kathang ito ay larawan ng̃ mg̃a pusong kulang ng̃ pagtatapat.
IKALAWANG AKLAT
TUNTUNIN NG PULONG
Sinulat ni G. Rosendo S. Cruz, Pang̃ulo ng̃ Pamahalaan ng̃ “Kami Naman.” Isang ganap na patakaran ng̃ maayos na pagpupulong. Halaw sa bantog na “Robert’s Rules of Orders”.
IKATLONG AKDA
AGAWAN NG DANGAL
Akda ni Bb. Fausta Cortes, isa sa mg̃a Bituin ng̃ “Kami Naman” at pangapat sa mg̃a babaing pilipina na lumikha ng̃ kasaysayang tagalog. Ang akda ay matatarok sa pabasa ng̃ aklat na itó. [V]
Hiniling ng̃ pinagpipitaganang kong Bb. Fausta Cortés, kumatha ng̃ aklat na ito, na ako ang siyang magbigay ng̃ pang-unang salita dito sa kaniyang akdang AGAWAN NG̃ DANG̃AL. Pagkapalibhasa’y naging ugali ko na ang di marunong sumuay sa mg̃a ganitong pithaya, lubha pa’t ang humihiling ay isang gaya ni Bb. Fausta Cortés na di marapat pagkaitan, kaya mahirap man sakali sa akin ang tumungkol sa ganitong bagay ay tutupad ako at tahasang ilalahad ang aking mg̃a kuro-kuro.
May ilan nang taong lumipas ng̃ayon na ang suliranin ng̃ feminismo dito sa ating bayan ay napagtalunan hanggang sa mg̃a pahayagan. Pinagkuro kong matamán ang mg̃a katwirang pinanghawakan ng̃ mg̃a sangayon at di sangayon, hanggang sa ang naging wakás ay napanig ang aking paniniwala sa salung̃at. [VI]
Parang pagsurot sa aking pagpanig sa mg̃a di sangayon sa feminismo ay walang kaabogabog ay sumipot naman ang mg̃a kilalang kapisanan ng̃ mg̃a babae na ang mg̃a pamagat ay “Liga de Mujeres Filipinas” at “Ang Babae Ngayon”. Ang mg̃a kapisanang ito, na pawang itinataguyod ng̃ mg̃a babae ay nagpakita ng̃ kanikanilang kasiglahan at kapuripuring kabayanihan. Nang mapagmalas ko ang ganitong kilusan ng̃ mg̃a babae ay unti-unting nahahapay ang aking pananalig sa di pagsangayon sa kababaihan. Unti-unting nawala ang aking pag-aakalang ang mg̃a babae ay dapat lamang maging reina ng̃ mg̃a tahanan, bulaklak na humahalimuyak sa isang halamanan.
Hindi ng̃a lamang ito ang siyang nakapaghawi sa tabing ng̃ mali kong akala, kundi ng̃ matunghayan ko ang mg̃a ilang aklat na katha ng̃ mg̃a babae na ang mg̃a ito ay ang “Sawing Pagasa” ni Bb. Francisca Laurel, ang “Nang Bata pa Kami” ni Bb. Pura L. Medrano, at ang “Tagumpay ng̃ Api” ni Bb. Pascuala Pintor. Ang pagsipot ng̃ mg̃a nasabing aklat ay siyang lubusan na nagpagupo sa aking pananampalataya na ang mg̃a babae ay batbat lamang ng̃ hiwaga, palamuti ng̃ isang tahanan, at aliwan sa magusot na buhay na ito. Ng̃ayon ako nanalig na ang mg̃a babae ay hindi ng̃a lamang pala isang kasangkapan [VII]sa loob ng̃ ating mg̃a tahanan, ni bulaklak na samyuan ng̃ bang̃o, kun di ang mg̃a babae ng̃a pala ay isang tunay ding lakás, isang bahagi ng̃ lahi na may karapatan at kakayahang makatulong ng̃ pagpapaanyo ng̃ isang bayan, ng̃ isang lahi, at ng̃ sangkatauhan.
Dapat alisin ang piring ng̃ ating mg̃a mata at ititig diyan, sa mg̃a babaeng may mg̃a ginintuang pagkukuro. Dapat hang̃aan ang kanilang katalinuhan at kailan man ay di nararapat ipalagay ng̃ kahi’t sino na ang babae ay alang̃an sa pagkukuro ng̃ isang lalaki.
¿May alinlang̃an pa kayo?
Naririto ang isa pang matibay na saksi ng̃ aking mg̃a pang̃ung̃usap. Basahin ninyo ang kathang AGAWAN NG DANGAL na bung̃a ng̃ isipan ng̃ isa ding babae na si Bb. Fausta Cortés at pagkatapus ay dilidilihin ninyo ang mg̃a nasasaysay, tutupin ang inyong dibdib at sabay na tanung̃in ang inyong sarili kung tunay ng̃ang ang ganitong panulat ay dapat hang̃aan at sampalatayanan.
Ang aklat na ito ay isang matibay pa ng̃ang saksi (aking inuulit) ng̃ katalinuhan ng̃ mg̃a babae, lalo’t higit ang sa kaniya’y kumatha. Dumadaliri ang aklat na ito sa maling kinahimaling̃an ng̃ ilan na pagmamaimbot ng̃ sandat at imbing karang̃alan, pagwawalang bahala na sa lahat, mangyari na ang ano mang mangyayari makaagaw lamang at magtagumpay [VIII]ang pagiimbot ng̃ dang̃al. Anopa’t ang aklat na ito ay nararapat maging salaming malinaw ng̃ mg̃a masasama at mabubuting kalooban. Ang suliraning idinudulot ng̃ aklat na ito ay nasa babasa ang kaibigan, alalaon baga’y, kung ang mangbabasa ay walang takot na maging ganid at matapang ang loob na maging asal Kain ay pupulutin niya ang mg̃a pakana ng̃ may masamang asal na nalalarawan sa aklat na ito. Ng̃uni’t kung ikaw na mangbabasa ay kapatid ni Mabuting asal at anak ni Malinis na budhi ay pupulutin mo naman ang mg̃a bagay na kapuripuring tinungkol ng̃ ulirán ng̃ magagandang asal.
Dapat ng̃ang hang̃aan ang panulat at pagkukuro ng̃ babaing may katha ng̃ aklat na ito. Ang isang kabaro ni Eva na may ganitong katalinuhan ay katang̃i-tang̃i. Ito’y talagang taglay ng̃ kabihasnan.
¡Sulong kayo kababaihan! Ng̃ayon ay panahon ng̃ pagkilos. Pagbibigti ang pagwawalang kibo at pagpapakaimbi ang paghahalukipkip.
Rosendo S. Cruz.
Agosto 2, 1914. [IX]
Makikislap na Bituin:
Lahat ng̃ búhay ay nagtatapos sa mapanglaw na kamatayan. Lahat naman ng̃ Samahan ay nagwawakas sa masaklap na paghihiwalay. Ang lakad na ito ng̃ kalikasan ay talagang di na mababago ng̃ayon at sa haharapin. Ng̃uni’t ang sanla ng pagaalaala, sagisag ng̃ pagmamahal, ay di kumukupas kailan man. Bagkus lalong nagiibayo habang tumatagal, ang tingkad at uri ng̃ katuturan. Paano’y walang pagmamahal na napariwara.
Ang kalakhan ng̃ aking pananalig, na walang pagaalaalang nasawi, ay siyang nagutos sa akin, ng̃ paghahandog ko ng̃ maralitang akdang ito, sa inyong kapitapitagang mg̃a bakás; saksi ng̃ aking pagmamahal. Inihahandog ko sa inyong mg̃a yapak, hindi upang kayo ay aralan, kung hindi upang aliwin ang inyong mg̃a pusong laging nang̃ang̃arap ng̃ biyayang dulot ng̃ pagibig.
At ¿sino ako sa harap ng̃ makikislap na «Bituin»?
¡Ako!
¿Ako ang mang̃ang̃aral? [X]
¡Ni sa panaginip ay hindi mangyayari!
Kailang̃ang masaulo ko ang dunong ng̃ sangkatauhan; kailang̃ang matarok ko ang lihim ng̃ sangkalang̃itan; kailang̃ang ako ay maging araw muna, bago ako lumuklok sa matayog na karang̃alang guro ng̃ mg̃a «Bituin».... At sapagka’t hindi mangyayari ang ginto kong guniguni, ay manulos na lamang tayo, sa ang AGAWAN NG̃ DANG̃AL ay inihahandog ko sa inyo, tanda pang minsan ng̃ aking pagmamahal.
Inihahandog ko rin namán sa inyo, upang kung kayo ay umaawit na ng̃ bagong búhay, ay magunita man lamang, na kayo ay naging «Bituin» ng̃ «Kami Naman», suló na tumanglaw sa landás na binagtasan ng̃ masisikap na kawal ng̃ kilusan ng̃ mararalita. At mapagukulan nawa ninyo ng̃ dukha mang alaala ang mg̃a nasawi sa pagsisigasig na itanghal ang bayang mahirap. Sa gayon ay mabibilang tayo sa boong sangsinukob na humahang̃a at nagdadang̃al sa mg̃a pinagpala dahil lamang sa pagsisikap na buhayin ang naghihingng̃along pagkakapatiran....
¡Maging dapat nawa sa inyong kadakilaan!...
Nakikipagkapatiran,
Fausta Cortes.
Pako, 5 ng̃ Mayo ng̃ 1914. [XI]
“Pagpipilitan naming bakahin ang lalong masamang sakít ng̃ tao: ang AGAWÁN NG̃ DANG̃ÁL, sakít na nagbabagsak ng̃ mg̃a banal na layon at dakilang pang̃arap; sakít na lalong mabisa sa pagpatay sa naghihingng̃along pagkakapatiran at pipilitin naming sa ibabaw ng̃ sakit na iyán, ay magluningníng ang tagumpay ng̃ wastong ugali, ang paggalang at pagibig ng̃ tao sa tao....”
—Mga pang̃ung̃usap ni G. Angel de los Reyes, Pang̃ulo ng̃ “Kami Naman,” sa talumpating binigkás nitó sa pagtatanghál ng̃ Samahán, noóng iká 26 ng̃ Oktubre, 1912. [13]
Ang kapanglawang naghari ng̃ gabing yaon sa isang nayon ng̃ Pako ay binulahaw ng̃ pagtapat ng̃ ilang pusong namamandaw ng̃ kapwa puso. Noon ay isa sa mg̃a gabi ng̃ Enero; gabing napakalungkot, palibhasa’y mang̃ilangng̃ilang bituin lamang na nagbabansag ng̃ kadakilaan ng̃ Diyos, ang nagaantilaw sa nagtatampong lang̃it. Ang buwan noon ay nagmaramot ng̃ kanyang liwanag, at aywan kung saang sulok ng̃ kalawakan nagkubli ang kaibigan ng̃ gabi. Samantalang ang mg̃a kuliglig at panggabing ibon ay umaawit ng̃ tagumpay, ang mg̃a bulaklak naman ay ipinagpapalalo ang [14]kanilang bang̃o, alindog, at halimuyak. Ng̃uni’t, sa lahat ng̃ ito ay namamaibabaw ang tinig ng̃ mg̃a kalulwang idinadaing ang pagirog, gayong ang bahay na tinatapatan ay waring libing̃ang lahat ay natatahimik.
Natapos ang pangbung̃ad na tugtog. Isinunod naman ang isang magandang gabi pong kundiman. At dito’y tinawagan na ang dalagang pinipintuho. Sa pamamagitan ng̃ malalambing na tinig, ay naunawa ng̃ lahat ng̃ doroon, na si Dolores pala ang dinadaing̃an.
Pagkatapos ng̃ kundimang yaon, ay siya nang pagbubukas ng̃ lang̃it. Ang lapat na durung̃awan ng̃ bahay na tahimik ay nabuklat. Isang diwata ng̃ bagong panahon, isang bituing mayaman sa ganda, ay siyang tumanglaw sa mg̃a pusong mapagpuyat; nagsabog ng̃ liwanag at tuwa.
—Magandang gabi po!—ang magalang na bati ng̃ lahat ng̃ na sa lupa.
—Magandang gabi po naman!—ang magiliw na tumbas ng̃ binibini—Tuloy kayo!... ¡tuloy!...
Ang bahay na may kaliitan ay nagsikip sa labing tatlong kalulwang umakyat sa lang̃it. [15]
Ilang sandali lamang ang nakaraan at namayani na naman ang bigwela, biyolin, bandurya at plauta. Ang kaniláng tunog na tagapagtaboy ng̃ hapis, ay minsan pang nagtanghal ng̃ gilas.
Sa isang dako naman ng̃ harapang yaon, ang magandang si Dolores, ay nagsasabog ng̃ kanyang yaman: ng̃ dilag at hinhin. Ang maayos na tabas ng̃ mukha ay napapatung̃an ng̃ maiitim na buhok. Ang mapupulang pisng̃i ay tumatapat sa matingkad na itim ng̃ kilay. Malalagong pilik-mata ang nagaalaga sa maamong malas. Isang katatagang tang̃os ng̃ ilong ang nagmamalaki sa madugong mg̃a labi. At nagiinamang mga ng̃ipin ang bakod ng̃ katamtamang bibig na binubukalan ng̃ magigiliw na pananalita.
Samantalang ang mg̃a kaharap ay isinasaloob ang pagpapasarap sa kanilang tugtugin, si Dolores naman ay isinasabog ang kanyang mg̃a sulyap at titig. Inisaisang lihim na minasdan ang mg̃a binatang yaon. Ang puso niya’y sisikdosikdo; parang giniginaw na nilalagnat. Alang̃ang magmalaki at alang̃ang mang̃imi.
Sa isang dako naman, ay payapang [16]nakikinig ang isang ginoo. Matabang sa mukha ay nababasa ang kagulang̃an na. Siya ay si kapitang Andoy na ama ni Dolores; ang kilala sa pang̃alang Alehandro Balderrama. Siya ay isa sa mg̃a kinaaalangalang̃anan sa daang yaon ng̃ Sagat. Baga man lipas na ay kapitan pa rin ang tawag sa kanya. Sa tabi nito ay mukhang napopoot, nakasimang̃ot, at maasim na maasim ang mukha, ng̃ kapitana Martina, ang ali ni Dolores. Marahil ay dahil sa pagkabulahaw sa kanyang tulog. Liban sa tatlong ito, kay Dolores, sa kanyang ama, at sa kanyang ali, lahat na ng̃ doroon ay kabilang na ng̃ mg̃a namamandaw ng̃ puso.
«Loleng nalulungkot ako!...» ang manay siyang bung̃ad na kundiman noong binatang tagaawit. Isang malumbay na tugtog ang isinaliw naman ng̃ bigwela. Si Dolores ay napaling̃on sa di kinukusa at naabala tuloy na magpasigarilyo. Ang puso niya’y lalong nilagnat, at pinawisan siya ng̃ malamig. Irap naman ang itinugon ni kapitana Martina. At matapos ang magiliw na awit sa «...ay, Loleng ng̃ buhay ko!...»
—Aling Loleng—ang saad ng̃ isang makisig [17]na binatang kanina pa, ay mapupupuna na, na siya ang may patapat—ipinakikilala ko sa inyo ang aking kaibigan—at iniharap ang binatang umawit.
—Bagong lingkod mo po;—ang sambot ng̃ ipinakilala.—Artemyo de la Pas.
—Salamat po;—ang magiliw na tugon ng̃ dalaga—gayon din po naman: Dolores Balderrama.
At sila’y nagkamayan, hanggang sa naipakilala ang lahat. Habang si kapitana Martina, ay lalong nagnining̃as ang poot, si Beteng naman, ang binatang may paharana, ay parang nagmamalaki sa kanyang mg̃a kaibigan. Bawa’t makasiping ay binulung̃an ng̃ «¿Bagay na ba sa akin?» Lihim na tatawa at panakaw na tititig sa masayang mukha ni Dolores. Hindi mapalagáy ang binata. Sa lahat ay masasayáng ng̃iti ang iniuukol. Palipatlipat ng̃ upo, at sa labing-dalawáng kasama ay siyá ang lalong masigla at nagtatalík sa galák.
Ang katahimikan ay ginambala na naman ng̃ tugtugan. Parang sinasadyang binibiro ang pagkaasim ng̃ mukha ng̃ kapitana Martina. Ng̃uni’t ¡himala yata at biglang nagbago ang kunot na noo, noong [18]madinig na muli ang panambitan ni Artemyo! Masayang nakiumpok at siniping̃an ang kanyang ipinagmamalaking si Dolores.
“Ay Loleng! ay Loleng!...
ako’y mamamatay...
kung hahabagin mo
ang daing ng̃ buhay...”
Iyan ang simula ng̃ mapanglaw na pagdaing, balot ng̃ taos na hinagpis, at sa tinig na waring nalulunod sa hirap.
Sa kalagitnaan, ay nagpahalata ng̃ panibugho; panibugho na bung̃a ng̃ pagmamahal; at pagmamahal na likha ng̃ pagirog. Anya’y:
Kung tumititig ka
sa ibang binata,
ang buhay ko Loleng
ay papanaw yata...
Lalong sinasal ng̃ pagtibok ang puso ni Dolores. Waring kinikiliti naman si kapitana Martina. Gayong nakang̃iti ng̃ galak ang inaantok na kapitang Andoy. Patuloy naman sa pagsasaloob ng̃ tugtog yaong labing tatlong panauhin. [19]
Napalaot ng̃ napalaot yaong si Artemyo sa pagawit. Halos tinig na lamang niya ang nagdidiwang sa loob ng̃ bahay. Dahil sa sarap ng̃ kundiman, kung minsan ay itirik ang mata sa ilaw na nakabitin. Ng̃uni’t lalong marami ang lihim na sulyap niya kay Dolores, ang nahuhuli ni matandang Martina.
“Sa paglalaro mo
ng̃ mg̃a bulaklak
gunitain lamang
ang aba kong palad...”
Iyan ang patuloy ng̃ binatang Artemyo sa kanyang pamamaibabaw. Sinasamantala naman itó ni Beteng upang kaulayawin ang kanyang pinopoon.
—Aling Loleng,—ang wika—talaga pong sa kaibigan kong iyan ay ipinagkakatiwala ko ang aking boong buhay...
—Gayon pala!—ang sambot ni Dolores—na ipinagkatiwala na ninyo sa kanya ang boong buhay ninyo, ay ¿bakit pa kayo sumama rito?
—Ba!—ang tutol ni Beteng—ang ibig kong sabihin ay ipinagkakatiwala kong siya na ang dumaing ng̃ hirap ko... [20]
—Sapagka’t ang damdamin ng̃ puso ni Pedro ay maidadaing ng̃ bibíg ni Huwan....
—Napopoot ba kayo?—ang maamong tanong ni Beteng na nakahalatang totoong mailap si Dolores. Napuna niyang ang mg̃a tugon sa kanya ay nasasaputan ng̃ suliranin.
—Bakit ako mapopoot?—ang pakli ng̃ dalaga—sa ang katotohana’y ariin mang biro; ay ipinagtatapat kong walang itatagal ang aking puso sa kanyang panambitan....
“Di ka na naawa
sa aking pagdaing:
buhay ng̃ buhay ko
ligaya at aliw...”
Ang waring pakikihalobilo ng̃ kundiman na ikinauntol ng̃ pagsasalaysay ni Dolores. Sandali silang nanahimik, bago nagsalita si Beteng ng̃:
—Diyata’t ¿wala kayong itatagal sa kanyang panambitan?
—Kung wariin ko—ang salo ng̃ dalaga.
—Sa gayo’y namamanaag na ang aking tagumpay!
—At bakit po? [21]
—Di ba sinabi ninyong nahahabag ang puso ninyo sa kanyang panambitan?
—Opo.
—Di nababagbag na ang loob ninyo sa akin? Sapagka’t ang daing ni Artemyo ay siyang daing ko....
—Gayon po ba?
—Sinabi ko na pong ipinagkakatiwala ko sa kanya ang boong buhay ko.
—Ah, ¡mali kayo! ¡Iba si Artemyo kay Beteng! Ang daing ni Artemyo ay buhat sa kanyang puso kaya ang pagkahabag doon, ay pagkahabag sa kanyang pagkatao.....
—Nagbibiro yata kayo!
—Hindi. At ¿bakit ko kayo bibiruin?
—Aling Loleng!
—Talagang totoo: ang puso ko’y nababagbag sa kanyang panambitan. ¡Kay tamis niyang umawit! ¡Kay sarap dumaing!
—Aling Loleng! ¡Nilulunod ninyo ako!...
Hindi sumagot ang dalaga ng̃uni’t ang malas ang pinapagsalita. Tinitigan si Beteng ng̃ titig na makahulugan. Aywan kung bakit kinuha nito ang kanyang sombrero at matuling umalis. Nilisan ang kanyang mg̃a kaibigan at kasama ng̃ walang pasintabi. Sa katamisan [22]ng̃ kundiman ni Artemyo ay di naman siya napuna. Liban kay Dolores, ang mahinhing si Loleng, ay walang nakaino. Ito lamang ang nakatatarok na si Beteng ay yumaong may taglay na poot at banta. May poot sapagka’t nabigla siya sa mg̃a tugon ni Dolores. At may banta sapagka’t nalalamang̃an siya ni Artemyo. Anaki’y isáng bayang nilubugán ng̃ araw ang dibdib niyáng binabayó ng̃ pagng̃ing̃itng̃it.
“Titigil na naman
ako sa pagdaing,
na nagaantabay
ng̃ awa mo Loleng...”
Diyan natapos ang malungkot ng̃uni’t magiliw na kundiman, na dinaluhan ng̃ nakakikiliting taginting ng̃ bigwela at biyolin.
Hindi napigilan ni kapitana Martina ang kanyang palakpak; datapwa’t si kapitang Andoy ay tinalo na tuloy ng̃ antok.
—Salamat po—ang magiliw na sabi ng̃ ating dalaga, bago pinagukulan si Artemyo ng̃—¡Kay buti pala ninyong umawit!... [23]
—Baka kung ano na po iyan?—ang may hiyang pakli ng̃ binatang pinuri.
Ang usisaang “¿nahan si Beteng?” ay siyang pumigil sa dalaga upang tugunin ang binata. Isa’t isa’y nagtanung̃an. Sa tanóng ay tanong din ang itinutumbas. Kaya’t nagdiwang ang aling̃asng̃as at lahat, liban kay Dolores at sa nakakatulog na kapitang Andoy, ay pinagharian ng̃ pagtataka.
—Marahil ay may sumundo—ang saad ni kapitana Martina.
—Magpaalam na tayo—ang lihim namang anyaya ng̃ may hawak ng̃ bigwela sa kanyang katabi.
—Siya ng̃a—ang ayon naman nito.
—Tayo na—ang ulit ng̃ isa.
—Gabi na tayo—ang patuloy ng̃ iba.
At lahat ay pinatahimik na naman ng̃ tagingting ng̃ tuwa. Tumugtog sila ng̃ isang pangwakas. Si Artemyo noon ay napatabi.
—Aalis na ba kayo?—ang tanong ni Dolores sa mapalad na binata.
—Opo,—ang tugon nito—sapagka’t totoong mababagabag kayo.
—Wala po kayong aalalahanin.
—Salamat po. [24]
—Kayo pala’y kinatawan ni mang Beteng—ang may ng̃iting salaysay ng̃ dalaga.
—Siya pong totoo.
—Di ang inawit ninyo’y parang inawit nila?
—Gayon ng̃a po.
—At ang panambitan ninyo ay panambitan nila?
—Yaon po ang dapat.
—Nagkasala ako!—ang waring hinampo ng̃ dakilang babai—boong akala ko’y lahat ng̃ inyong inawit ay bukal sa inyong puso, mula sa ubod ng̃ inyong buhay!...
Kinabahan si Artemyo ng̃ marinig ito. Ang puso niya’y di mapalagay. Parang binabayo ang kanyang dibdib. Sampung paghing̃a ay nang̃ang̃apos. ¡Kaawaawang kalulwá sa gitna ng̃ kagipitan! At ang boóng pagkatao niya’y dagling sumuko sa gayóng dilág. Subali’t ang kapalaran ay itinapat siya sa landas na dapat tuntunin. At anya’y:
—Ikaw po ang masusunod: maiyuukol mo saan man ibigin, at di malilihis ang iyong akala...
Hindi tumugon ang dalaga at sinamantala ni Artemyo: [25]
—Aling Loleng, kung batid mo lamang ang itinitibok ng̃ aking loob, ang iniluluha ng̃ aking puso, ay sasabihin mong ako’y sinung̃aling....
—At hindi ba kayo sinung̃aling?—ang dugtong ng̃ dalaga—¿Di ba kasinung̃aling̃an ang maglahad ng̃ wala sa loob?
—Wala sa loób!
—Kayo na rin po ang nagsabi.
—Yaon po’y lambing lamang ng̃ pusong nagtataglay ng̃ hiya.... Isang pakunwari ng̃ pagibig na nagaalang̃an sa dakila mong ganda....
—Nagaalang̃an?
—Opo, aling Loleng, at baka di maging dapat na maglingkod sa inyo....
Tinotoo na ni Artemyo ang pang̃ung̃umpisal. Nilimot na niya ang kanyang tungkulin. Hindi na naaalaalang siya ay kasangkapan ni Beteng. Wala na sa gunitang siya ay bibig lamang ng̃ kanyang kaibigan.
Si Dolores, ang mabining dalaga na sumuko ang puso sa mg̃a pagawit ni Artemyo, ay parang nagayuma. Sa kanyang mukha at pang̃ung̃usap ay nalalarawan ang paggiliw na nabihag ng̃ mapalad na binata. [26]
Sa pagtititigan ng̃ dalawang kalulwa ay natapos ang pangwakas na tugtog. Ang mg̃a namamandaw ng̃ puso ay nagtayuan na. Isa’t isang nagpaalam at nakipagkamay sa bunying binibini. Ang pagkakataon ay di sinayang ni Artemyo. Siya ang nagpahuli sa lahat. Kinamayan niya ng̃ boong higpit si Dolores at dinamdam naman nito ang katuturan noon. Mg̃a titig nila ang nagpalitan ng̃ damdamin ng̃ kanilang dibdib.
Doon natapos ang masayang gabi. [27]
Doon sa kabilang dulo ng̃ daang Sagat, sa hanay din ng̃ inuuwian ng̃ mapanghalinang si Dolores, ay dalawang lalaki yaong ipinagtatanong si Beteng. Sa isáng magandang tahanan, doón silá pumanhík, sapagka’t yaón ang itinuro sa kanilá ng̃ napagsanggunian.
—Mg̃a kaibigan—ang buhat sa itaas ay kanilang narinig—tulóy kayo, tulóy kayo....
—Magandang araw po mang Beteng—ang bati namán ng̃ dalawá.
Silá’y pumanhík at ginanáp ang karaniwang kumustahan. Matapos ilapat ni Beteng ang pinto ay nagsaád ng̃ ganito:
—Malakíng suliranin ang gumuguló sa isip ko, kaya inabala ko kayong ipinatawag. [28]Sa inyong pang̃ang̃ailang̃an ay nalalaan namán ako.
—Salamat po—ang salo ni Pastor na isá sa mg̃a panauhin.
—Sapagka’t kayo’y inaári kong mg̃a kapatid ay sa inyo ko dapat ipagtapat.
—Ipatuloy mo po—ang pakli ni Simón, na kasama ni Pastor.
—Malaon nang ang puso ko’y pinapagdudusa ni Dolores—ang patuloy ni Beteng—ng̃uni’t ¡kay pait ng̃ nasasapit ko!... ¡Pawang tiwali! At kagabi lamang ay hinarana namin, ng̃uni’t gaya rin ng̃ dati, ay pawang paglibak sa akin ang aking napala....
—Bakit po?—ang tanong ni Pastor.
—Di ba kayo pinaakyat?—ang usisa ni Simón.
—Pinatuloy kami, dili ang hindi—ang patlang ni Beteng—ng̃uni’t ang pagkapatuloy sa amin, ay siyang lalong nagbansag ng̃ kaapihan ko. Opo, kaapihan, pagka’t sukat bang itanóng sa akin ni Dolores na kung bakit pa raw ako sumama roon....
—Yaon po’y ugali na ng̃ dalaga: lahat ng̃ nais nilang sabihin ay dinadaan sa hinampo—ang putol ni Simón. [29]
—Hindi kaibigan,—ang tutol ni Beteng—pagka’t malaon ng̃ kumukulili sa taing̃a ko, na si Artemyong aking pinakikiusapang siyang umawit sa aming pagtapat doon, ay siya daw ang napupusuan ng̃ babaing yaon, gayong ito ay wala namang pagibig sa kanya.
—Ganyan din po ang balita ko—ang pagayon ni Pastor—ng̃uni’t, kailan ma’y di ako naniwala.
—Sino po bang Artemyo yaon?—ang pagsisiyasat ni Simón.
—Ang kalihim sa Samahang “Kumilos Tayo”—ang tugon ni Pastor—yaon bang nagtalumpati sa inyong nayon noong ipagdiwang si Rizal. May magandang pang̃ang̃atawan at....
—Yaon pala—ang salo ni Simón—Kakilala ko po yaon at ako man ay kasapi rin sa “Kumilos Tayo.” ¿Diyata’t siya ang naiibigan? ¿Si Artemyo? ¿Ang artista? Aywan ko rin...—at tinapos sa iling at ng̃iti ang kanyang pagkamangha; iling na nagpapahayag ng̃ pagpapawalang saysay kay Artemyo, at ng̃iti na nagtatanghal ng̃ paglibak sa pagkatao noon.
Ang dalawang kaharap ay napatigil. Nabasa nila sa mukha ni Simón na siya [30]ay may natatarok na lilim ni Artemyo. At di pinalagpas ni Beteng. Sinamantalá ang pagkakataón.
—Bakit po?—ang simula—¿may nalalaman ba kayong alimuom ni Artemyo?
—Sus!—ang buntong hining̃a ni Simón—¡Si Artemyo! ¿At bakit hindi ko malalaman ang kanyang lihim? Siya ay isang konduktor sa trambiya noong araw na dahil sa nahuli sa pagumit ay pinalayas tuloy ng̃ empresa. Isang taong nagpagalagala sa pagbibilang ng̃ bato, na kung kanikanino nang̃ung̃utang ng̃ makakain. Napasok na artista, at ang manakanakang pagtayo sa entablado ay siyang ipinagmamalaki ng̃ayon. Gayong ang tinig ay tinig kanduli at kung umawit ay parang bumabasa ng̃ Pasyon....
—Ha! ¡ha! ¡ha!—ang tawa ni Beteng.
—Aywan ko—ang tanggi ni Pastor—sa akin ay mabuting kaibigan si Artemyo.
—Mabuti kung mayroon—ang salo ni Simón—ng̃uni’t kung wala ay masama.
—Marahil ng̃a—ang katig ni Beteng—sapagka’t kung makailan ko nang makasama, ni minsan man ay di pa gumasta. Maging sa pagsakay namin sa trambiya, maging sa pagkain namin ng̃ sorbetes, [31]ay ¿maanong pabalat-bung̃a man lamang na magkunwaring dumukot sa bulsa?
—Ano ang hahanapin ninyo sa taong nagsasamantala?—ang masayang ikinabit ni Simón.
—Hindi gayon—ang tutol ni Pastor at hinarap si Beteng—Kayo ang nagaanyaya sa kanya ay talagang kayo ang dapat gumasta. Salamat at di kayo sinising̃il sa kanyang abala at pagod....
—Mang Pastor!—ang tugon ni Simón—¿pinagtatanggol ba ninyo si Artemyo?
—Hindi po. Ipinaaalaala ko lamang ang ipinaguutos ng̃ dakilang asal.
—At ¿kami pa pala ang lumalabas sa magandang ugali?—ang usisa ni Beteng.
—Hindi ko po sinasabi ang gayon—ang salag ni Pastor—ng̃uni’t ipinagugunita kong sa bibig ng̃ mg̃a lalaki ay alang̃ang maglaro ang buhay ng̃ kapuwa. Mg̃a babai lamang ang naguututang dila. Mg̃a musmos lamang ang nagng̃ung̃usuan.
—How! ¡pshe!—ang putol ni Simón—Talaga pong si Artemyo ay lahi ng̃ taksil: siya’y kapangpang̃an.
—Tama. Iyan ang totoo—ang dugtong [32]ni Beteng—pinapaghahari ang kanyang pagkakapangpang̃an.
—Mg̃a kaibigan—ang mainit ng̃ saad ni Pastor—¡Huwag ninyong hamakin ang kanyang lahi! Kapangpang̃an man at Tagalog ay iisa ng̃ uri, at ang sumira ng̃ pagiisang iyan, ay yaon ang taksil na dapat pang̃ilagan. Ang taong pumapatay ng̃ pagdadamayan ng̃ Pilipino ay yaon ang kalaban ng̃ bayan. Ang kalulwang nagtatanim ng̃ pagiiring̃an ay siyang uod na sumisira ng̃ laya at pagasa ng̃ lahat....
—Matutulis pong salita iyan!—ang pakli ni Simón.
—Nakasusugat ka po!—ang dugtong ni Beteng.
—Hindi, mg̃a kaibigan—ang ganti ni Pastor—kailan ma’y di ko magagawa ang sumugat sa kapatid. Ng̃uni’t, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang nagbibinhi ng̃ pagiiring̃an. Ang buhay ko’y aking itinataya lubha pa’t ang pagiiring̃an ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking kinakandong ng̃ palad....
—Na sa ibang bahay ka po!—ang paalaala ni Beteng—huwag ninyong lubusin ang pagalipusta sa mg̃a kaharap. [33]
—Sa bahay na pinaghaharian ng̃ dilim ay doon ko dinadala ang ilaw!—ang matapang na sagot ni Pastor.
—Pawang kaululan ang sinabi ninyo!—ang tumbas ni Simón.
—Utang na loob ay manaog na kayo—ang taboy naman ni Beteng.
Tumayo si Pastor ng̃ boong pagng̃ing̃itng̃it. Ang malas niya’y naglalagablab. Maliksing kinuha ang kanyang sombrero at anya’y:
—Dapat ninyo akong itáboy; dapat ninyo akong turang ulol; sapagka’t ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng̃ mg̃a musmos na tinuturuan.... Nakilala ko na kayó ay dapat namán ninyó akóng makilala.... Paalam sa inyo ng̃uni’t alalahaning ako’y natatalaga sa ano mang mangyayari....
Titig lamang ang isinagot ng̃ dalawa. Kaya’t pumanaw na nagpuputok ang dibdib ni Pastor. Samantalang nawawala ang kanyang yabag ay patuloy sa pagwalang imik ang dalawang nilisan.
—Mang Simón—ang mana’y saad ni Beteng—yumaong galit na galit ang abogado ni Artemyo. [34]
—Walang kailang̃an—ang tugon nito—¡Ibabagsak natin sila!...
—Iyan ang kanina pa’y inaantay kong pumilas sa inyong labi....
Kumuha ng̃ kahon ng̃ tabako si Beteng at inalok ang kaharap. Kapwa sila nagsuso at minsang pinagbuti ang upo. Bago naganasang marahil ay yumari ng̃ paghihiganti. Panahon lamang ang makapagbubungkal ng̃ lihim.
Isang mahigpit na kamayan ang tumapos ng̃ salitaan. At taglay ang galak ng̃ pagasa na naghiwalay ang dalawang nagtiyap. [35]
Nagbabang̃uhang sampagita, bulaklak na nagpuputían, yaong tinutuhog ni Dolores, sa halamanan nila. Nagiisa siyang noon ay nagaaliw at pinalilipas ang mapanglaw na hapon. Sa isang upuang kawayan ay doon pinagbubuti ang pagyari ng̃ isang kuwintas. Ang samyo na idinudulot ng̃ mg̃a ilang-ilang, ay sumusuob sa mabining dalaga. Marahan namang humahalik sa kanyang mg̃a pisng̃i ang simoy ng̃ hang̃ing nagmumula sa bukid. Samantalang sa kanyang ulunan, ay namamaypay ang masingsing dahon ng̃ kamuning. [36]
Ang dilag ni Loleng noon ay lalong tumingkad kay sa dati. Bagay na bagay ang bagong gayak sa mayamang ganda ng̃ kanyang pagka binibini. Sa biglang malas lamang ay mahuhulaan nang siya’y bago pa lamang dumudung̃aw sa pinto ng̃ pagibig. At upang patotohanang naninibago ang kanyang puso sa pagtibok ng̃ buhay sa pagkadalaga, ay masayang umaawit at sinasamyo ang mapapalad na sampagita.
—Kay bang̃o ninyo!—ang di napigilang wika at nilang̃ap ang samyo ng̃ kanyang tinutuhog—¡Kay puti ninyo! ¡Kay dunong ng̃ Diyos!...
Siya rin ang sumagot:
—Talagang kayo ay pinagyaman ng̃ kalikasan! ¡Walang haring makapagsusuot ng̃ inyong gayak! ¡Sutla na di nilikha ng̃ kamay! At ¡puti, puting parang busilak!...
Dinugtung̃an pa rin:
—Hindi lamang iyan ang inyong yaman. Sa samyo, bang̃o, halimuyak, ay kahanay kayo ng̃ mg̃a pang̃unahing bulaklak na ipinagmamalaki ng̃ katalagahan....
Tinapos sa: [37]
—Sa ulo, batok, at dibdib ng̃ mg̃a dalaga sa Silang̃anan, ay ginagamit kayong palamuti, katimbang ng̃ rubi, perlas, at brilyante ng̃ mg̃a dalaga sa Kalunuran. Yaon ay binibili ng̃ daan, libo, o yutang salapi, ng̃uni’t kayo ay ipinagpapalit sa isa o dalawang sentimos lamang. ¡Kay taas ng̃ agwat ng̃ halaga! Gayon ma’y lalong matayog ang inyong uri. Sila’y nagagamit lamang ng̃ nakaririwasa, samantalang kayo ay pinakikinabang̃an ng̃ lalong dukha at ng̃ lalong mayaman. Ikinahihiya silang igayak ng̃ mg̃a dahop sa salapi, datapwa’t kayo ay ikinararang̃al ng̃ lahat....
At malaong nilang̃ap na naman ang mapapalad na sampagita. Mana’y pinanood at kinausap:
—Gaano man ang inyong yaman, gaano man ang inyong dilag, ay di ko rin ipagpapalit sa inyo ang aking pinakamamahal sa buhay, ang giliw ng̃ puso ko, si Artemyo ng̃ aking pagibig....
Isang halik ang biglang lumagot sa kanyang pang̃ung̃usap; halik na tumunog sa kanyang pisng̃i; halik na kaunaunahang idinulot ng̃ pagibig. Nagulat at napaling̃on ang ating dalaga. Subali’t [38]napatung̃ó na lamang at pumatak ang luha, noong mapagtanto niyang si Artemyo pala ang nagbigay ng̃ ligalig.
—Loleng!—ang bati nito—napoot ka yata....
—Di ko akalain...!—ang tugon naman ng̃ binibini.
—Huwag; huwag kang magalit. Tinugon ko lamang ang utos ng̃ aking pagsintá. Kanina pa ako rito na nagsusubók sa iyo. Napanood ko ang lahat ng̃ iyong ikinilos. Ang puso ko’y nilang̃o ng̃ tamis. At nakagawa tuloy ng̃ kalapastang̃anan....
Patuloy sa pagkatung̃o ang binibini. Nahihiya o napopoot mandin sa nangyari. Talagang gayon ang dalagang Tagalog. Malambing̃in ng̃uni’t matampuhin. Magiliw datapwa’t maselan. Sa di pagimik ay sarisaring katuturan ang maipalalagay.
—Loleng—ang muling saad ni Artemyo—kahapon lamang binihis mo ang aking puso, ng̃ayon ay muli na namang pagdudusahin. ¡Kay sawing palad ko!...
Hinawakan ang kamay ni Loleng na may hawak na sampagita. Naupo sa piling nito at sinapupo sa likod ang [39]dalaga ng̃ kaliwang kamay. Bago nagpatuloy:
—Napakawalang awa ka! Parang tinakaw mo lamang ako sa galak. Mabuti pang di hamak ang di ako pinang̃akuan ng̃ pagibig, kay sa naturang giliw ay nilulunod sa kapighatian....
—Ikaw ang may sala—ang marahang patlang ni Dolores—¿hindi ba kahapo’y isinumpa mong ako’y iyong igagalang?
—Tunay. At siya ko namang ginaganap...
—Paggalang pala ang iyong inasal!
—Hindi ba?
—Paglapastang̃an!
—Na naman!
—At di ba pagapi sa dang̃al?
—Loleng, huwag mong isaloob ang gayon. Ang paggalang ay kapatid ng̃ pagibig. May halik ang paggalang at may halik ang pagibig. Ang halik ng̃ paggalang ay idinadampi sa damit, sa paa, ó sa kamay. Ang halik ng̃ pagibig ay sa noó, sa pisng̃i, ó sa kapuwa labi inilalagak. Pumili ka ng̃ayon; ¿alin ang ibig ng̃ Loleng ko?
—Ang halik ng̃ paggalang—ang masaya nang tumbas ng̃ binibini. [40]
—Loleng, ¡lalong napopoot ka! Hagkan ko ang iyong damit ay tuturan mong kita’y nilalaro. Hagkan ko ang iyong paa, ay sasabihin mong kita’y inuuyam. Hagkan ko ang iyong kamay ay isasaad mong kita’y binibiro....
Isang ng̃iti at isang titig ang iginanti ng̃ pusong nagtampo. Nagpalaot naman si Artemyo.
—Sapilitan, irog ko, na ang pipiliin mo ay ang halik ng̃ pagibig. Siya kong ginanap, tanda ng̃ aking pagmamahal. Doon ay kalakip na rin ang paggalang na aking ipinang̃ako kahapon.
—Lahat ng̃ matwid ay na sa iyo!
—Sapagka’t ako ay taong may katwiran....
—Sinung̃aling!...
Isang malakas na tawag na “Loleng” ang gumambala sa paguulayaw ng̃ dalawa. Yaon ang makapangyarihang tinig ni kapitana Martina. Luming̃on ang tinawagan, bago nagpaalam sa kasi:
—Artemyo, tinatawag na ako ng̃ Tiyang.
—Lilisanin mo ba ako?—ang lambing naman ng̃ binata.
—Pumanhik tayong dalawa.
—Baka di maganda ang gayon? [41]
—Mauuna ako’t sumunod ka mamiya.
—Mabuti pa.
—Aantabayanan kita?
—Asahan mo.
At tumalikod ang binibini matapos ihandog sa giliw ang isang kumpol ng̃ sampagita. Handog na waring walang katuturan, ng̃uni’t minahal ni Artemyo. Sapagka’t yaon ay nilagakan muna ng̃ isang halik ng̃ kanyang pinopoon. At sinasamyo ng̃ binata samantalang pinanonood niya ang pagyaon ni Dolores.
Noon nama’y naglilikom na ng̃ liwanag ang ilaw ng̃ sangdaigdig. Ang dilim ay marahang nagbubuka ng̃ pakpak. Nagsisimula na ng̃ pagawit ang panglaw at lungkot ng̃ gabi. Mana’y marahang namumukadkad sa kaitaasan ang mg̃a sampagita sa bukid ng̃ Diyos, iyang mg̃a bituing nagpapagunita ng̃ luwalhati sa kabilang buhay.
Malaong sandali pa ang lumipas, bago narinig ang:
—Magandang gabi po—na patao ni Artemyo upang tumupad sa pang̃ako.
—Magandang gabi po naman—ang pakunwaring [42]salubong ni Dolores—Tuloy kayo....
Pumanhik ang panauhin at nagtuloy sa salas. Doon ay inabot niya si kapitana Martina. Nagbigay ng̃ galang at payapang naupo. Si Dolores naman ay naupo na rin. Ito ang nagbukas ng̃ salitaan:
—Saan po kayo nanggaling?
—Doon po sa bahay.
—Ng̃ayon lamang kayo naligaw dito ah—ang pang̃atlo ni kapitana Martina.
—Bakit naman po?—ang tutol ng̃ binata.—Noong lamang isang linggo ay narito kami.
—Siya ng̃a pala—ang patalo na ng̃ kapitana—at noon ng̃a pala kayo nagharana. Hanggang ng̃ayon ay di ko pa nalilimot yaong inawit ni mang Huwan na ayaw ko sa intsik....
At tinapos sa halakhak. Tawa rin ang itinugon ng̃ dalawang kapulong.
—Bakit po ba hindi ninyo kasama noon si mang Beteng?—ang usisa ng̃ binibini.
—Ayaw na pong makibarkada sa amin—ang tugon ni Artemyo. [43]
—Kung ilan nang haranahan iyan na di nakakasama yaon eh....—ang katig ng̃ kapitana.
—Napupuna ko ng̃a rin—ang dugtong ng̃ dalaga.
—At ¿bakit di mo mapupuna?—ang biro ng̃ ali—sa iyon lamang ang itinatang̃i mo....
—Ang Tiyang naman!—ang tanggi ni Loleng.
—Ehem!—ang salo ni Artemyo.
—Siya; kung ayaw ka ng̃ itinatang̃i ay minamahal...—ang dugtong ng̃ kapitana.
—Nagkatabas tuloy!—ang tawa ng̃ binata natin.
Isang makahulugang irap ang inihagis ng̃ dalaga kay Artemyo. Ginanti naman nito ng̃ isang titig. Ano pa’t mg̃a mata ang pinapagusap. At sa mukha nila ay nababasa ang pagkainip sa matandang kaharap. Salamat at ito ay mapagbigay at nataunang nanalo noon sa pangginge; kaya malamig ang ulo at binigyang panahon ang dalawang puso upang magulayaw. Lumabas ang kapitana at nilisan ang mg̃a kausap. Lumaya ang dalawang pusong nagtatalik sa galak.
—Waring hindi batid ng̃ ali mo ang ating lihim?—ang saad ni Artemyo. [44]
—Hindi, at maging̃at ka—ang tugon ni Dolores.
—Naparito na ba si Beteng?
—Oo. Di ko pa pala naibabalita sa iyo na sila ay nagharana rito.
—Kailan?
—Noong Huwebes ng̃ gabi.
—Sino sino sila?
—Wala akong nakilala; ng̃uni’t sa inyong magkakasama noong araw, ay si Beteng lamang ang kasama.
—Nagsarili na!
—Hindi lamang iyon. Sumulat pa sa Tatay na ikaw daw ay alipin lamang. Nagsisilbing-kanin ka raw sa kanya, kaya di ka dapat tanggapin dito.
Napipi at namutla sa galit ang nabiglang binata. Ang binigkas na yaon ng̃ kanyang kasi ay naging matunog na kulog sa kanyang pangdinig. Siya ay nangliit. Aywan kung inapi ng̃ kahihiyan ó sinupil ng̃ poot. Datapwa’t sa pagyaon ng̃ ilang sandali ang mukha niya’y naging maamo. Tulad sa nagkasalang humihing̃i ng̃ tawad.
—Salamat na lamang—ang patuloy ng̃ dalaga—at ako ang nakatanggap. Kaya, [45]ni ang Tatay, ni ang Tiyang, ni sino pa man dito, ay walang nakabatid.
—Nahan ang liham?—ang mana’y usisa ni Artemyo.
—Sinunog ko.
—Bakit mo sinunog?
—Sapagka’t gawa ng̃ taksil.
—Di mo na ipinabasa sa akin?
—Baka pa matunghayan ng̃ iba.
—Bakit mo nalamang sulat niya?
—Dahil sa may lagda.
—Nilagdaan!
—Maniwala ka.
—Ng̃ pang̃alan niya!
—Tunay.
—Kay tapang!
—Duwag, ang sabihin mo.
—Sayang at di ko nakita!
—Huwag na.
—Nananalig ka naman?
—Hindi! ¡Hinding hindi!
—Bakit?
—Sapagka’t walang katotohanan.
—Totoo yaon!
—Ano sa akin?
—Tapat ang sumbong niya.
—Walang ano man.
—Paniwalaan mo! [46]
—Ipalagay mong ako’y naniniwala. Maging totoo nang busabos ka niya, ¿ano ng̃ayon? ¿Ang pagibig ba’y nahahadlang̃an ng̃ mg̃a bagay na iyan?
—Dolores!
—Kung ang pagirog mo ay naigigiba ng̃ inggit at imbot, ang pagibig ko ay hindi. Matibay. Kasingtibay ng̃ moog. Kamatayan lamang ang makapagwawalat.
—Bulaan!
—Masusubok mo rin.
—Nasubok ko na. Sa isang halik lamang ay pinatulo mo na ang iyong luha....
—Sapagka’t nalunos ako sa aking pagkadalaga.
—Di lalong malulunos ka sa palad mong tatamuhin ng̃ isang busabos?
—Kabila man ng̃ busabos, kung iniirog ko at minamahal, sa akin ay daig pa ang haring na sa trono ng̃ luwalhati.
—Diyata?
—Tunay.
—Ang katunayan?
—Kinamit mo na.
—Yaon bang tinamo sa lakas-loob; halik na itinang̃is ng̃ hinagkan, ay siya mong patunay?
—Sapat na yaon. [47]
—Ang pagibig ay walang kabusugan!
—Hindi pa panahon.
—Lahat ng̃ sandali ay dapat pakinabang̃an.
—Sa iba nang pagkakataon.
—Naipagpapaliban pala ang sanla ng̃ pagibig....
At tinapos sa pagpisil ng̃ kamay ng̃ binibini. Tumayo ang binata at nagling̃on-likod. Ang dalaga ay kinabahan at umiwas na:
—Hayun ang Tiyang!
—Mamatay na tayo!
At boong tapang na inilagda ni Artemyo ang pang̃alawang halik ng̃ pagirog sa mapulang pisng̃i ni Dolores. Ito ay nagitla, subali’t nang matiyak na di sila napuna ng̃ kapitana Martina ay magiliw na nagsabing:
—Pang̃ahas ka rin!
—Kay palad ko ng̃ayon!—ang galak ni Artemyo—Sa gabing ito nahawi ang dilim ng̃ aking pagasa. Nababanaag ko na ang liwayway ng̃ aking kapalaran. Datapwa’t, Loleng, Loleng, huwag ka sanang padadala sa dila ng̃ mg̃a umaagaw ng̃ aking dang̃al....
—Hindi, at isinasamo ko sa iyong [48]huwag mo nang mababanggit kay mang Beteng ang liham niya sa Tatay.
—Asahan mo.
—Ilagan mo sana ang sigalot.
—Huwag kang magalaala.
—Talagang gayon ang kalulwang sawi sa pagibig. Parang ulol na di nalalaman ang ginagawa. Awa ang dapat ihandog sa kanila.
—Siyang totoo.
—Naku, sukat bang siraan ka! At sira pa namang kahahalataan ng̃ pagkaimbi....
—Kay pang̃it!
—Sawing palad na lalaki!
Ang orasang nakasabit sa dakong itaas ng̃ pinto, ay nakisagot din. Walong pantig ng̃ kanyang batingting ang pinaltik. Ang oras ng̃ pagaalaala sa mg̃a kalulwa sa purgatoryo’y siyang ibinansag.
—Ika walo na pala!—ang saad ni Artemyo na dinukot at minasdan ang kanyang orasan.
—Ay ¿ano kung ika walo na?—ang putol ng dalaga—¿naiinip ka ba?
—Naiinip? ¿Mainip ako sa piling mo? Loleng, kung makukuha ko lamang ang aking puso, at ihaharap ko sa iyo, ay makikita mong sabik na sabik sa iyong [49]dilag at pagmamahal. Nais ay matali na sa puso mo kung mangyayari...
—Bulaan!
—Hindi. Talagang wala akong pinapang̃arap, kung di ang pagbabagong buhay natin. Maging malaya tayo sa pagduduyan sa tuwa... Ng̃uni’t samantalang di pa namimitak ang ating araw, ay sumunod na muna tayo sa palakad ng̃ panahon.
Hindi tumugon ang dalaga sapagka’t noon ay sa susung̃aw sa pinto si kapitana Martina.
—Maalaala ko pala—ang wika nito—huwag kayong mawawala sa isang linggo, at ating ipagdidiwang̃ ang kaarawan ni Loleng.
—Sa isang Linggo po?—ang tanong ni Artemyo.
—Sa ika 21 ng̃ kasalukuyan—ang salo naman ng̃ dalaga.
—Bulaklak ng̃a pala kayo ng̃ Mayo—ang pagpuri ng̃ binata.
—Kaya po kasingganda ng̃ kamya—ang dugtong ng̃ kapitana.
—Ang Tiyang naman!—ang hinampo ni Loleng—para pa tayong taga Palanyag.
—Kung ayaw ka ng̃ kamya ay asusena. Kung ayaw ka ng̃ asusena ay sampagita. [50]Kung ayaw ka ng̃ sampagita ay rosal. Alin man ang iyong piliin ay bagay sa iyong kagandahan—ang pagtatanggol ng̃ kapitana na lubhang nawiwiling biruin ang kanyang alaga.
—Siya ng̃a—ang ayon ni Artemyo.
—Siya na kayo—ang salag ni Dolores.
Napatigil ang salitaan sapagka’t noon ay may narinig silang yabag. Ilang sandali lamang na nagdiwang ang pananahimik at napagsino na ng̃ tatlo. Tinig ni kapitang Andoy ang kanilang napansin. Hindi nagkabula ang palagay. Sumipot sa pinto ang matanda. Sinalubong naman ni Artemyo ng̃ bati ng̃ paggalang.
—Nakasabay ko po ng̃ayon si mang Beteng—ang balita nito.
—Saan?—ang usisa ng̃ kapitana.
—Sa trambiya—ang patuloy ng̃ matandang Andoy—at sinabi sa aking magdadala siya rito ng̃ komparsa sa araw mo Loleng.
—Ehem! ¡ehem! ¡ehem!—ang tikim ng̃ kapitana.
Nagtitigan naman ang dalawang pusong naglilihim. Bago nagng̃itian ng̃ ng̃iti ng̃ kasyahang loob.
—Hindi raw ikahihiya sa mg̃a panauhin ang kanyang dadalhin dito—ang dugtong [51]pa ng̃ nagbalita—marahil daw ay mg̃a labing anim katao.
—Kay dami! ¡Talagang pang̃atawanan!—ang tuwa ng̃ kapitana—Kayo mang Artemyo, magdala rin kayo.
—Na naman ang Tiyang...—ang hadlang ng̃ dalaga.
—Ito ng̃a naman—ang habol ng̃ kapitang Andoy na hinarap ang mapagsisteng asawa.
—Susubukin ko po—ang tugon naman ng̃ binata.
—Baka matuloy!—ang pakli ng̃ kapitana—Biro ko lamang iyon.
—Titingnan ko rin po—ang saad ni Artemyo na napapasubo.
—Huwag na—ang pigil naman ni kapitang Andoy—sapagka’t sapat na ang dadalhin ni mang Beteng. Bakit nababalitaan kong waring may bigat ng̃ loob sa inyo, ay baka kung ano pa ang ipakahulugan noon.
—Siya ng̃a—ang ayon ni Dolores.
Hindi nakasagot si Artemyo. Namutla at napipi. Sumikdo ang loob. Marahang sumusubo ang pagng̃ing̃itng̃it. Titig na lamang ang ipinukol kay Dolores. Ito naman na nakaramdam ng̃ kagipitan noon [52]ay sinamantala ang pagtatanggol sa giliw. Anya’y:
—Dumalo na lamang kayo at isama ninyo ang inyong mga kaibigan.
—Maaasahan po—ang pakli ng̃ binata.
—Baka di kayo sumipot?—ang habol ng̃ kapitana Martina.
—Baka pang̃akong napako iyan—ang salo naman ng̃ kapitang Andoy—bakit na sa Pako pa naman tayo.
—Hindi po—ang sagot ni Artemyo—maaasahan po ninyo.
At tumayong kinuha ang kanyang sombrero bago nagpaalam.
—Aalis na ba kayo?—ang saad ng̃ kapitana.
—Maaga pa naman—ang dugtong ng̃ kapitang Andoy.
—Mayroon pa po kaming paroroonan—ang pakunwari ng̃ binata.
Kinamayan ang tatlong lilisanin. Nanaog na nalulunod ang puso. Sumisinghap sa tuwa at sumisinghap sa galit. Naluluoy sa tuwa dahil sa pagtatamo ng̃ halik ng̃ pagirog. Nilalagnat sa galit dahil sa paninira ni Beteng. Gayon ma’y tahimik na yumaon ang kalulwang itinaguyod ng̃ mapalad na pagkakataon. [53]
—Mga kaibigan—ang bati ni Pastor sa mg̃a kasamang kanyang inabot sa isang kamalig sa daang Penyapransiya, doon din sa Pako, na nagsasanay ng̃ pagtugtog—¿kayo yata ang dadalhin ni Beteng sa bahay nila kapitang Andoy?
—Oo—ang tugon ng̃ may bigwela.
—Utang na loob ay huwag kayong sumama—ang patuloy ni Pastor—at ibitin ninyo sa kahihiyan ang taong yaon...
—Bakit?—ang sambot ng̃ may gitarra.
—Mangyari ay kung ano anong paninira ang ginagawa kay Artemyo—ang tugon ng̃ Pastor—at kayo ay dadalhin doon upang patunayang lalong malakas siya kay Artemyo. ¿Yaon ba ay gawa ng̃ kasama? [54]
—Ang lagay pala ay nagkagalit sila ni Artemyo?—ang usisa ng̃ nakasalamin.
—Oo—ang paliwanag ni Pastor—at ang pinagmulan ay dahil kay Dolores.
—Ano ang nangyari?—ang pagkamangha ng̃ lahat.
Luming̃on muna si Pastor, bago sumagot:
—Lubhang katawatawa.
—Bakit?—ang pagkasabik ng̃ ilan.
—Makinig kayo—ang patlang ni Pastor.
—Si Artemyo ay palaging niyayaya ni Beteng upang haranahin si Dolores, dahil sa ito ay artista at may mayamang tinig. Siya, si Artemyo, ang palaging pinaaawit sa kanilang pagtapat. Ng̃uni’t si Dolores ay di rin mahabag sa kaawaawang Beteng. Ang pista pa nito ay si Artemyo ang napusuan. Ano pa’t ang tulay ay siyang naibigan.
—Aha!—ang pagtataka ng̃ may dalang biyolin.
—Siya ng̃a—ang ayon naman ng̃ may hawak na gitarra—at noong magharana kami noon araw doon, ay umalis iyang si Beteng nang hindi man lamang nagpaalam sa amin.
—Nakahalata marahil!—ang hatol ng̃ may katandaan na. [55]
—Nakita na ninyo?—ang habol naman ni Pastor—Pati kayo ay hinahamak gayong nang̃ung̃utang lamang ng̃ loob.
—Ano ang magagawa natin sa taong walang turing?—ang tanong ng̃ may hawak ng̃ bigwela na malaon na yatang may poot kay Beteng.
—Gayon pala! ¿Bakit pa kayo sasama sa kanya?—ang ulos ni Pastor.—Ipagmamalaki lamang kayo at pagkatapos ay diyan na kayo...
—Bakit naman pumatol si Artemyo?—ang usisa ng̃ isa.
—Tao namang ito!—ang agaw ng̃ kasamahan din—¿May manok bang tumanggi sa palay?
—At ¿ano naman ang dapat itawag sa lalaking iniibig ng̃ babai ay nagwawalang bahala?—ang tanong ni Pastor.
—Binubai!—ang maagap na salo ng̃ may katandaan.
Isang matunog na halakhakan ang pumutok.
—Samakatwid—ang hadlang ni Pastor—ay tumupad lamang si Artemyo sa kanyang tungkulin upang huwag matawag na binabai...
—Katwiran—ang hatol ng̃ marami. [56]
—Bakit nagagalit si Beteng at sinisiraang mabuti si Artemyo?—ang tanong pa rin ni Pastor.
—Paano’y naagawan ng̃ tuson!—ang salo na naman ng̃ mapagsiste.
Panibagong halakhakan na naman.
—Isang sagot ng̃ayon mg̃a kasama—ang saad ni Pastor—¿sino ng̃ayon ang dapat samahan, si Artemyo ó si Beteng?
—Bakit ba? ¿Magdadala rin ba ng̃ komparsa si Artemyo?—ang usisa ng̃ isa.
—Binabalak ko sana—ang tugon ni Pastor—pagka’t totoo akong nasakitan noong sabihing si Artemyo raw ay taksil dahil sa kapangpang̃an...
—Sinabi ni Beteng ang gayon?—ang pandidilat ng̃ isang kapangpang̃ang bandurista.
—Maniwala ka kasama—ang patigas ng̃ tinanong—at kaya sinabi ang gayon ay dahil sa nabigo sila sa akin. Ako’y inamuki nila ni Simon, upang agawan ng̃ dang̃al si Artemyo, datapwa’t nagkagalit lamang kami sapagka’t di ako pumayag...
—Sa inyo ako sasama—ang pagkukusa na ng̃ banduristang kapangpang̃an. [57]
—Ako man—ang habol ng̃ may hawak na biyolin.
—Ibilang na rin ninyo ako—ang sunod ng̃ may plauta.
—Welga na tayong lahat—ang sabi naman ng̃ isa.
—Welga! ¡Welga! ¡Welga!—ang sagutan na ng̃ lahat.
—Mabuhay si Artemyo!—ang sabi naman ni Pastor.
—Mabuhay! ¡Mabuhay! ¡Mabuhay!
At tumugtog sila ng̃ isang masarap na tugtugin, tanda ng̃ tagumpay ni Artemyo. Galak na galak naman si Pastor. Samantala’y nagpapaindayog na mabuti ang tinig ng̃ biyolin.
Natapos ang pamamayani ng̃ bigwela at ang bibig na naman ni Pastor ang narinig.
—Upang malubos ang ating galak ay huwag ninyong sasabihin kay Beteng na hindi na kayo sasama sa kanya.
—Siya ng̃a—ang ayon ng̃ iba.
—Ang sarap niyan ay magaantay siya ng̃ wala!—ang salo ng̃ isa.
—Gayon ang dapat sa taong umaagaw ng̃ dang̃al—ang katig ni Pastor—Ibitin sa kahihiyan. Isubo sa kagipitan. [58]
—May balita pa akong nilalakad daw ni Simon na si Artemyo ay alisan ng̃ tungkulin sa “Kumilos Tayo”—ang saad ng̃ isang kanina pa’y ibig maglahad.
—Iyan ay pakana ni Beteng—ang sagot ni Pastor—¿Ano raw ang dahilan?
—Sarisari—ang salo ng̃ tinanong—Hindi raw dapat bigyan ng̃ tungkulin dito ang isang dapo lamang. Kabagongbago raw dito, ay nais nang lagpasan ang mg̃a kanayon. Isang bata raw lamang ay ibig nang maghari. Kung minsan ay sinasabing mapagsamantala raw. Ang salapi raw ng̃ Samahan ay kinukupit. Marami at napakarami pa ang dung̃is na ipinupukol sa mukha ni Artemyo.
—Narinig na ninyo!—ang saad ni Pastor—Linawin natin: hindi raw dapat bigyan ng̃ tungkulin ang isang dapo. Katwiran, ng̃uni’t ¿bakit nila natitiis ang mg̃a dapong naghahari sa ating bayan? At ¿dapo ba si Artemyo? ¿Ano kung kapangpang̃an siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari bang magsarili ang Tagalog nang ang Kapangpang̃an ay hindi? ¡Napakarupok na pagkukuro! Ang masasabi ko’y nakikilala nila ang dapong kapatid din nila, datapwa’t hindi nila [59]nakikilala ang tunay na dapong dito ay tumawid. Kung nakikilala man ay kinatatakutan. Ngayon at kalahi ay halos sakmalin. Ng̃uni’t kung maputi, kahi’t na lumapastang̃an, ay ng̃ining̃itian din. Sinusurot, dinuduro at pinamumukhaan ang kabalat, subali’t ang dayo ay saka lamang mamura kung nakatalikod....
—Siyang totoo—ang tang̃o ng̃ ilan.
—Kabagongbago’y nais nang lagpasan ang mg̃a kanayon?—ang dugtong ni Pastor.
—Pasalamat tayo at hindi pa man ay nagpapakita na ng̃ lakas at magagawa. Kung kaya siya lalagpas sa taga rito, ay sapagka’t dapat siyang lumagpas. Ano man ang gawin ni Artemyo, kung talagang magaling sila, ay sila rin ang mamaibabaw. Ang iba pang dahilan ay pawa nang paninira na mg̃a isip-lamok lamang ang mananampalataya....
—Ang inggit ay talagang nakalilikha ng̃ sarisaring paninira—ang payo ng̃ may katandaan.
—Kaya matakot at mang̃ilag tayo—ang ayon ng̃ iba.
—Walang sasama kay Beteng—ang paalaalang muli ng̃ banduristang kapangpang̃an.... [60]
—Wala! ¡Wala! ¡Wala!—ang ayon ng̃ lahat at pinamayani na naman ang kanilang mg̃a hawak na kilabot ng̃ panglaw, taga taboy ng̃ lungkot at lumilikha ng̃ tuwa: ang biyolin, bigwela at bandurya. [61]
Maligayang umaga noon. Sa Looban, daang tumutumbok sa malaking pagawaan ng̃ tabako, ay maraming kawal ng̃ pawis ang nagmamadalían. Sa una’y langkay ng̃ mg̃a babai; sa dako roon ay nagsusumugod na mg̃a lalaki; sa dako rito ay sunodsunod na may mg̃a kagulang̃an na; at sa huli ay mg̃a dalaga at binatang pawang nagtatalik sa galak. Walang alinlang̃ang sarisaring bagay ang napaguusapan. Minsan ay may nagtatalumpati sa pagtatanggol sa kanyang ipinaglalaban. Minsan ay pumutok ang halakhakan. Ganyan ang mapupuna sa alin mang pangkatin. [62]
Sa karamihan ay may namumukod na dalawang lalaki. Ang isa ay may magarang gayak; pulus na puti ang suot at korbatang sutlang granate ang nakatali sa liig. Isang sombrerong kalasyaw ang nakatakip sa ulo, na lalong nagbibigay ganda sa mayamang tabas ng̃ mukha. ¡Kay kintab ng̃ sapatos na abelyana! At ¡kay lapad ng̃ liston! Sa bikas at pananamit ay nagbabansag ng̃ kalwagan sa buhay. Samantalang ang isa ay nakabarong intsik lamang. Lumang luma na ang pahang sunong. At isang tsinelas na kupas na ang kulay ang nagtatanggol sa paa. Naglalarawan ng̃ karalitaan. Yaon, ang makisig, ay ang binatang Beteng. At ito ang anak-dalita, ay si Simon. Sa agos ng̃ mg̃a manggagawa sa Tabakalera ay napaanod sila.
—Sa linggo na ang araw ni Loleng—ang sabi ni Beteng kay Simón.
—Oh, ¿handa na po ba ang komparsa natin?—ang tanong naman nito.
—Hindi ko ng̃a po matiyak kaya ko po kayo inabang̃an.
—Bakit po?
—Mangyari’y naparoon ako kagabi kina Dolores ay ibinalita sa akin ni kapitana [63]Martina, na si Artemyo raw ay nang̃ako rin ng̃ komparsa.
—Lalong magaling. Ng̃ayon tayo magsusubukan ng̃ gilas. Upang makilala ang inyong katayugan kay Artemyo ay dapat kayong iyagapay sa kanya. Walang salang magbibigti siya sa kahihiyaan....
—Huwag tayong umasa.
—Bakit po?
—Hindi ko pa natitiyak na mabuti ang ating komparsa. Malaon ko nang kinausap sila at hindi ko na hinarap uli.
—Tiyakin mo po; at nang mapatabi ang gigirigiring iyan....
—Bah! Kung lumabas na magaling ang kanyang dala, ay ¿di naagawan tayo ng̃ dang̃al?
—Hindi po! ¡Magagaling tumugtog ang tao natin! Tiyakin mo po lamang ay di na kayo dapat magalaala pa.
—Baka tayo mabitin ah!...
—Sa ano pong dahilan?
—Kung di tayo siputin.
—Bakit po? ¿Nauulol ba sila? ¿Binayaran at dí sisipot? ¿Magkano po ba ang ibinayad ninyo? [64]
—Wala pa akong ibinibigay kung hindi limang piso lamang na ibibili raw ng̃ kuwerdas.
—Sa tao po, ¿magkano ang isa?
—Huwag ko raw pong alalahanin.
—Iyan ang masama. Ang mabuti ay bayaran natin; upang kung hindi sila sumipot ay magkaroon tayo ng̃ bibig.
—Gayon din po ang naisip ko kagabi kaya ninais kong makausap kayo....
Isang malakas na sigaw na ¡tabi! ang lumagot sa salitaan. Noon ay humahagibis ang dalawang karitela na naguunahan. Ang una’y pawang dalaga ang lulan, at ang huli’y pawang binata naman.
Luming̃on at tumabi ang dalawang naguusap, bago nagpatuloy si Beteng:
—Kasama rin lamang ninyo riyan sa Kompanya ang pinaka maestro nila, ay kausapin lamang ninyong mabuti kung mangyayari.
—Opo, at titiyakin ko.
—Ibigay mo po lamang ito—at dumukut sa bulsa ng̃ isang papel na sasampuin—sabihin ninyong para sigarilyo lamang iyan.
—Kay dami naman! [65]
—Daragdagan ko pa po iyan, mapuri lamang tayo ni kapitang Andoy.
—Walang sala! ¡Ang tagumpay ay atin! ¿Alin daw po bang komparsa ang kinuha naman ni Artemyo?
—Hindi ko po masabi.
—Tiyak daw po bang sisipot?
—Marahil. ¿Mang̃ang̃ako ba iyon ng̃ papaano? Mawawalan ba ng̃ kakilalang komparsa iyon, ay sa siya ay isang artista.
—Hindi rin siya dapat humara sa ating dadalhin.
—At mabuti namang magdala siya, upang mapalapat ang kanyang kapang̃ahasang bumanggá sa tapayan.
Na sa tapat na sila ng̃ Tabakalera.
Kapwa sila tumigil at tumayo sa tabing daan. Noon ay dating at dating ang kawal ng̃ paggawa. Babai at lalaki, dalaga at bagongtao, matanda at bata, ang nagsisisipot. ¡Kay daming anak ng̃ pawis!
—Ano pong oras ang sasabihin kong ipagkikita natin sa linggo?—ang mana’y tanong ni Simon.
—Ika siyam ng̃ umaga. Doon na tayo magtagpo sa bahay nila Loleng—ang tugon ng̃ kausap. [66]
—Sasabihin ko po.
—Baka malimutan ninyo?
—Hindi po.
—Baka tayo mabitin?
—Huwag mo pong alalahanin. Ako ang bahala.
—Walang sala! ¡Ang tagumpay ay atin!
Nagtuloy ng̃ pumasok si Simón sa malaking pagawaan. Si Beteng ay yumaon naman. Hanggang doon natapos ang usap ng̃ dalawang magkatiyap. [67]
Madaling-araw ng̃ linggo. Noon ang ganap na ika labing walong Mayo ni Dolores. Mula sa pinto ng̃ Simbahan sa Pako ay dalawang babai yaong lumabas. ¡Mg̃a pusong banal yata! At lumakad silang patung̃o sa daang Pas. Ang maliwanag na tanglaw sa daan, ay siyang nagsabing yaon ay si Dolores kasama ni kapitana Martina. Galing silang nagsimba na pinasalamatan sa Diyos, ang masayang pagsapit ng̃ kaarawan ni Loleng. Ang malamig na simoy ng̃ hang̃in, ang mg̃a patak ng̃ hamog sa damo, at ang liwanag ng̃ ilaw sa daan, ay siyang unang naghandog ng̃ maligayang bati sa mapalad na dalaga. [68]
Dumatal sila sa bahay na ang lahat ay nagsisikilos na. Ang tunog ng̃ pinggan, taginting ng̃ kubyertos, at sagitsit ng̃ mantika ay siyang unang maririnig. Bago mapupuna ang bang̃o na isinasabog ng̃ hang̃in: ang amoy ng̃ ginisa. Kung minsan ay namamaibabaw din ang iyukan ng̃ mg̃a inahin, tandang at kapon na manok. Ito ang mg̃a martir ng̃ pista. Ang lalong maing̃ay at di maipagkakaila ay ang iyak ng̃ baboy. Tatlo ang pinatay noon.
Sa kabahayan naman ay iba ang kilusan. Ang tinig ni kapitang Andoy ay siyang naghahari. Utos dito, utos doon ang ginagawa. Lagatok naman ng̃ mg̃a upuan, at lagaslas ng̃ dahong saging na ikinukuskos sa sahig, ay siyang sumasagot. Gayon na lamang ang paghahanda.
Sa siwang ng̃ mg̃a bundok sa silang̃an ay masayang dumudung̃aw ang bukang liwayway. Marahang tumatakas ang dilim at panglaw. Ang galak at liwanag naman ang bumabang̃on. Mana’y boong ningning na sumikat ang ilaw ng̃ sangkatauhan, upang batiin marahil ang dalagang sapupo ng̃ tuwa sa araw na yaon.
Ang mg̃a taong naglalakad sa daang Sagat, ay napapatigil sa tapat ng̃ bahay [69]ni kapitang Andoy. Pawang humahang̃a sa napakakisig na pagkagayak. Mahahalagang enkahe ang naglawit sa itaas ng̃ mg̃a durung̃awan. Sa gitna nito’y malapad na lasong rosas ang pinagbuhol ng̃ bikas paroparo. Sa mg̃a haligi ng̃ kabahayan ay tungkos ng̃ sarisaring bulaklak ang naglawit. Magagarang san pransisko ang halamang nagtanod sa mg̃a pinto.
—Dapat ng̃ang pagubusan ng̃ kaya si Loleng—ang wika ng̃ isang napatigil—sapagka’t siya ay bugtong na anak ni kapitang Andoy.
Ilang sandali pa ang nakaraan, bago sumipot si Beteng. Makisig na makisig ang binata at masayangmasaya na pumanhik.
—Kay aga ng̃ buwisit na ito!—ang nasabi sa sarili ni Loleng ng̃uni’t masayang sumalubong—Tuloy kayo.
—Maligayang bati po—ang bung̃ad na wika ni Beteng at kinamayan ang dalaga.
—Salamat po.
—Magandang araw po mang Andoy—ang paggalang nito sa kapitan.
—Tuloy kayo—ang tugon naman ng̃ tinukoy. [70]
Nagtuloy ang makisig na binata. At kung gaano ang bikas niya noong masalubong natin sa daan Looban ay lalo at higit ng̃ayon. Ang buhok ay hating hati at ang mukha ay pinahiran ng̃ pulbos. Bagong korbata na naman ang nakabitin sa liig, datapwa’t walang alinlang̃ang buhat sa almasen ng̃ Siyap sa Eskolta. Ang ternong lana ng̃ pusong gumilas, ay siyang nagbabansag ng kabusugan niya sa pananalapi. Ng̃uni’t ang lalong kapunapuna, ay ang malalaking brilyante na nagniningning sa dibdib at mg̃a daliri. «Inubos ang peseta!», ang sabi ng̃a ni Dolores sa sarili. Subali’t lalo siyang namangha noong buksan ang balutang dala, na anya’y:
—Aling Loleng kung kayo man ay nagagalak sa pagsapit ng̃ inyong araw, ay lalo at higit ako. Ang katunayang di magkasya sa puso ko ang tuwa, ay di na matutuhan kung alin sa likha ng̃ tao o likha ng̃ katalagahan ang pipiliin kong ihandog sa inyong mg̃a yapak. Pagyamanin mo po ang nakaya ng̃ inyong lingkod.
Pandidilat ng̃ mata ni kapitang Andoy; [71]matulin na paglabas ni kapitana Martina; at isang «salamat po» lamang ni Dolores, ang tumugon sa mahabang talumpati ng̃ binata. Samantalang mula sa pinto ay maraming mukha ang nakasung̃aw na sabik makakita ng̃ handog ni Beteng. Yaon ang mg̃a katulong sa paghahanda, at mg̃a kapit-bahay na katapatang loob. Ang matandang kapitana na inip sa matagal na pagkalas ng̃ tali, ay tumulong kay Beteng bago bumulalas:
—Kay ganda nito!
At itinaas ng̃ kanyang kamay, ang isang alpiler na may malaking bató, saka tinitigan ng̃ papikitpikit pa. Ang mg̃a nanonood, maging si kapitang Andoy, ay napipilan. Si Dolores naman ay pinapagpapawis ng̃ pang̃ing̃imi. Nahihiya na di maintindihan. Lalo namang sumisigla si Beteng ng̃ pagtatanghal ng̃ kanyang handog. Sa ibabaw ng̃ mesang marmol ay inihanay na lahat upang hang̃aan ng̃ nagsisiting̃in.
—Kay dami naman!—ang wika ni kapitang Andoy, nang mamalas niya ang mg̃a botelya ng̃ pabang̃o, ang kaha ng̃ pulbos, ang magarang pulbera, ang [72]salaming pangmesa, ang sutlang pamaypay, at ang isang dosenang panyolitong nagpuputian.
—Inubos na niyong hinakot ang tinda sa Eskolta!—ang bulalas uli ni kapitana Martina, na idinuro sa alampay ni Dolores ang mahalagang alpiler.
—Aba!—ang magkakatulad namang paghang̃a ng̃ ilan. Noon lamang sila nakamalas ng̃ gayong mg̃a alay. At isa isang nagsilabas upang ipagpatuloy ang ginagawa.
Gayon man ang paghang̃a sa mg̃a handog ni Beteng ay lugi rin siya. Oo, lugi siya, sapagka’t bahagya ng̃ bayaran ng̃ ng̃iti ng̃ kanyang iniirog. Ng̃uni’t palibhasa’y dalagang Tagalog, ang yumi, hinhin at kadakilaan ng̃ asal, ay di rin nasusupil ng̃ pagkawalang loob kay Beteng. Si Dolores ay si Dolores din. Siya rin ang dalagang mapanghalina. Ang katotohanan ay ang anyaya niya kay Beteng:
—Tayo po ay magagahan muna.
—Salamat po—ang tugon ng̃ binata.
—Kung di kayo magaagahan dito, ay di ko namang tatanggapin ang mg̃a handog na iyan—ang tampo ng̃ dalaga. [73]
—Naku naman!—ang ng̃iti ni Beteng.
—Siya ng̃a; tayo na muna magagahan—ang dugtong ni kapitang Andoy.
—Salamat po—ang ulit ng̃ binata.
—Anong salamat? Tayo na—ang salo ng̃ kapitana Martina.
—Nakatapos na po—ang tanggi rin ni Beteng.
—Ay ano kung nakatapos?—ang sambot ni Dolores—Ang agahan natin ay laan sa nakatapos na.
—Busog pa po ako—ang ayaw ng̃ binata.
—Hindi naman handa sa gutom ang agahan dito—ang pagtatanggol ng̃ dalaga.
Natapos ang pakunwari ng̃ binata sa ganap na pagsuko. At ilang sandali pa ay napanood nang humihigop ng̃ sikulate at nagpapahid ng̃ mantikilya sa tinapay.
—Sinapul na mabuti ang handa!—ang wika ng̃ isang batang utusan na sumisilip mula sa kusina—¡Pati agahan ay tinodas na!...
—Hayop! ¡Hayop!—ang parang tugon naman ni kapitana Martina na nakahuli sa sumisilip at nilapirot ang taynga.
—Aray!... ¡aray!...—ang iyak na lamang ng̃ nadakip. [74]
Salamat sa pagdatal ng̃ ilang panauhin, at binitiwan din ng̃ kapitana ang nahuli. Pumasok at sumalubong ng̃ boong galak. Ang dumating ay dalawang dalaga at isang binata. Tumayo si Dolores sa mesa at pinakapilit na makisalo ang mg̃a bagong panhik. Ilang sandali pa ay anim katao na yaong magkakasalo.
Sarisaring mg̃a biro, sarisaring mg̃a pagpuri ang naghari sa boong pagkakainan. Minsan ay mamayani si kapitang Andoy, at kung minsan ay mamaibabaw si Beteng. Datapwa’t si Dolores ay ng̃iti lamang ang inilalaban. Matagal-tagal din bago sila nagkatapos.
Noon nama’y matindi na ang sikat ng̃ araw. Dating at dating na ang panauhin. Kanina ay mg̃a dalaga. Ng̃ayon ay mg̃a binata. Mamiya’y dalaga na naman. At marahil ay binata ang susunod. Dapat magkagayon: sapagka’t araw ng̃ bulaklak ay bulaklak din ang dapat magdiwang. At kung saan natitipon ang mg̃a bulaklak ay doon nagkakagulo ang mg̃a bubuyog at paroparo.
Halos sikip na ang bahay ni kapitang Andoy. Bawa’t dumatal ay «maligayang bati» ang namumulas sa mg̃a labi. Datapwa’t [75]si Artemyo, ang binatang giliw ng̃ ipinagdidiwang, ang pusong lalong mapalad, ay di pa sumisipot. Gayon man ay di kapunapuna ang pagkawala nito sapagka’t si Dolores lamang marahil ang di nakalilimot. Ang kapunapuna ay ang di pagsipot pa ng̃ komparsa.
—Kapitang Andoy, wala ba tayong tugtugan?—ang usisa ni Labadre, ang kanina pa’y kantiyaw ng̃ kantiyaw.
—Mayroon—ang tugon ng̃ tinanong—Dalawa ang nang̃ako sa akin.
—Saan po naroon?
—Hindi pa dumarating.
—Ika sampu na po ah?
—Maaga pa.
—Baka lawit ang púsod ng̃ mg̃a nang̃akong iyan!...
—Hindi po naman!—ang pagdaramdam na halo ni Beteng.
—Biro ko po lamang iyon. Patawarin ninyo ako—at tinapos sa halakhak.
Di na sumagot si Beteng at dumung̃aw upang tanawin marahil ang kanyang komparsa. Datapwa’t wala siyang namalas at ni si Simon ay di sumisipot. “¿Bakit kaya?” ang naitanong sa sarili. Siya rin ang sumagot “Maaga pa naman.” At [76]naupong muli na ipinako ang malas kay Dolores.
—Kay ganda ng̃ lang̃it ko!—ang inipit na sigaw ng̃ kalulwa. At mula sa ulo hanggang paa ay pinanooran niya, ang gumugulo sa kanyang buhay at pagkatao.
Si Dolores, kung talaga mang may katutubong ganda, ay higit at lalo pa noon. Batid niyang siya lamang ang magiging panoorin sa kasayahan, kaya bumikas ng̃ dapat maging bikas. Ang damit na isinoot ay yaong talagang bagay sa kanyang ganda: kulay bughaw.
—Loleng—ang saad ni Labadre—kay dami mong kandidato ay wala na bang nagalay sa iyo ng̃ tutugtog?
—Ayaw ko ng̃a niyan!—ang yamot ng̃ pinagukulan.
—Hindi ba?—ang patigas ni Labadre—may artista ka, may estudyante ka, may pintor ka, may....
—Mayroon ng̃ lahat!—ang patalo ni Dolores.
Tawanan at titigan ang itinugon ng̃ lahat. Siyang pagsipot ng̃ anim na dalagang nagpapang̃agaw sa dilag. Ang gayak ay paraparang ternong bughaw. Yaon ay mg̃a bituin ng̃ “Kami Naman.” [77]Batian at kamayan ang nangyari. At naupo na naman ang lahat.
—Wala pa hanggang ng̃ayon ang komparsa!—ang kantiyaw na naman ni Labadre, matapos magpausok ng̃ tabako at makapagpaindayog sa kulumpiyó.
—Tanghali na ng̃a—ang dugtong ni kapitang Andoy.
—Sayang ang mg̃a sandaling nakararaan!—ang patuloy pa ni Labadre.
Si Beteng ay parang iniinis. Nabakla tuloy na baka di na ng̃a sumipot ang komparsa. Hindi na mapalagay ang binata. Dudung̃aw; uupo; tatayo; at lalabas na lamang ang gawa.
Ang mg̃a bubuyog ay patuloy sa pakikipagbulung̃an sa mg̃a bulaklak. Ganap na kaligayahan ang inaawit nila. Bawa’t isa’y kinalalarawanan ng̃ galak, tuwa, aliw.
May mg̃a binatang palipatlipat ng̃ upo. At may mg̃a dalagang nagbabanalbanalan. May mg̃a bagong taong bibig at matá lamang ang kumikilos. At may mg̃a dalagang kamay lamang ang pinagagalaw sa pamamaypay. Ano pa’t halohalo na: ang mabait at ang malikot.
Si Dolores man ay masayang masaya [78] rin. Samantalang si kapitana Martina ay lakad dito, lakad doon. Pumasok, lumabas, ang ginanap na tungkulin.
—Ano bang komparsa iyan?—ang di mapakaling bulas na naman ng̃ bibig ni Labadre—¿hanggang ng̃ayon ay wala pa?...
—Antabayanan natin—ang alalay naman ni kapitang Andoy.
—Sus!—ang payamot na ni Labadre—sinasabi ko’t lawit yata ang púsod ng̃ mg̃a nangako....
—Mang Beteng, ¿anong oras po ba darating?—ang usisa na ni kapitang Andoy.
Pinawisan ng̃ malamig ang binata at matagal din bago nakasagot:
—Ang sabi ko po ay ika walo.
—Bakit wala pa hanggang ng̃ayon?—ang lahók ni Labadre.
—Talagang gayon po tayong pilipino: pag sinabing ika walo ay antayin mo sa ika labing dalawa....—ang katwiran ni Beteng.
—Samakatwid ay mamiya pa sila darating—ang pandidilat na ni Labadre.
—Malaking sisté!—ang yamot na ni kapitang Andoy—¡Pati si Artemyo ay nawala na ah!...
Nagbing̃ibing̃ihan si Beteng ng̃uni’t [79]naglalagablab ang loob. Ang poot niya ay kay Labadre nabubuhos. «¿Sino bang hayop ito?» ang tanong sa sarili. ¡Kay luwag ng̃ kuwelyo! ¡Kay iksi ng̃ amerikana! ¡Tambakan yata ng̃ basura ang bibig sa walang sawang pagng̃ang̃a! Pausok ng̃ pausok ng̃ tabako at bibig na lamang niya ang naririnig. Sulot ng̃ sulot sa kapitang Andoy na parang binubaeng gumigiri. Dapat ng̃ang kainisan ni Beteng. Kung hindi sa kanya, kay Labadre, ay di pa lubhang maiinip ang ama ng̃ kanyang Dolores.
—Kapitang Andoy,—ang pagitna na naman ni Labadre—kung batid ko lamang na walang tugtugan ay ako sana ang nagdala...
—Bakit po? ¿Wala po bang tugtugan?—ang usisa ng̃ ilang kaharap.
—Mayroon—ang tugon ng̃ kapitang Andoy—darating na.
—Sunduin ko yata?—ang putol ni Beteng.
—Huwag na po—ang pakunwari ni Dolores.
Ang sagot na ito ng̃ binibini ay nakapagbawas din ng̃ kaba ng̃ dibdib ni Beteng. Paano’t paano ma’y nakabuhay din [80]ng̃ kanyang loob. Lubha pa noong pumasok si kapitana Martina na nagsabing:
—Loleng, samantalang wala pa ang mg̃a komparsa, ay ilabas mo ang iyong alpá at aliwin mo ang iyong mg̃a kaibigan.
—Siya ng̃a po.
—Yaon ang magaling.
—Ang inaantay namin.
—Halana.
Gayon ang naging tugunan ng̃ lahat na pawang nagpako ng̃ malas sa dalagang ipinagbubunyi. Sa likod nito ay namaibabaw din si Labadre. Anya’y:
—Ilabas mo’t marami tayong paaawitin dito. Hayan si Nitang, ang tiple sa Mandaluyon, si Berang, ang dang̃al ng̃ Tangke, si Siyon ang buhay ng̃ “Kumilos Tayo,” at....
—Silang lahat na!—ang dugtong ni kapitang Andoy.
—Siya ng̃a po, siya ng̃a po—ang ayon ng̃ mg̃a binata.
—Bah! ¡bah! ¡bah!—ang pagtanggi ng̃ mg̃a dalaga.
Ayaw pa sana si Dolores na ilabas ang kanyang alpá, dahil sa pagkatig sa kanyang mg̃a kabaro, ng̃uni’t napilitan din. [81]Ilang sandali pa ang lumipas at nagdiwang na ang mg̃a daliri ni Dolores. Mahabang palakpakan ang tumapos.
—Talagang ang dalaga ni kapitang Andoy, ay madadala na sa esposisyon sa Panamá—ang pagpuri ni Labadre.
—Naman!—ang salo ni kapitana Martina at ni Dolores.
—Walang biro: ang mayaman sa ganda at mayaman sa talino, ay talagang pang-esposisyon—ang patuloy ni Labadre—Ng̃uni’t.... ¿wala pa ang mg̃a komparsa?
Si Beteng na naman ang natisod. “¡Kulog na matanda ito!” ang bulong, “¡hindi na napagod ang bibig!” Salamat at nagbago ng̃ salita si Labadre:
—Nitang, tiple ng̃ Mandaluyon, ikaw naman ng̃ayon.
—Si mang Labadre naman—ang patumpik ng̃ pinagukulan.
—Halana; isang kundimang makalaglag matsing—ang pilit ni Labadre—Loleng, tugtugan mo.
Nagpalakpakan ang mg̃a panauhin, ng̃uni’t si Nitang ay ayaw pa rin. Ang dalagang sibol sa lang̃it ng̃ Pilipinas ay talagang gayon. May talino man ay hindi ipinagpaparanya. Bagkus ikinukubli habang [82]napipita. Lalo na’t pagpuri at paghang̃a ang ipaghahalungkat.
Mana’y isang matining na tinig ang nagpatahimik sa lahat. Umaawit si Nitang at sinasaliwan ni Loleng. Si Labadre ay napatigil din. Sinamantala naman ni Beteng ang pagpanaog upang salubung̃in marahil ang komparsa.
Sa panulukan ng̃ mg̃a daan Sagat at Penyapransiya, ay doon tumanaw si Beteng. Sarisaring guniguni ang lumaro na sa binata noong hindi niya mamalas ang inaantay. ¿Biniro kaya siya ng̃ komparsa? ¿Talaga kayang di na sisipot? ¿Ano ang ginawa ni Simon sa salapi? Ganyang mg̃a tanong ang di niya matugon. Nang̃ang̃awit naman sa pagtanaw sa wala, ang kanyang malas.
Minsan ay magning̃as ang poot kay Labadre. Kung wala ang taong yaon ay di gaanong mapupuná ni kapitang Andoy ang di pagsipot ng̃ komparsa. Ang kapitan ay nawiwiling makipagusap sa mg̃a panauhin. Datapwa’t laging sinusulot ng̃ masalitang matanda. Ito ang nagpapalaki ng̃ sunog. Ang kanyang pagkatao ay nabing̃it tuloy sa pilapil ng̃ kahihiyaan. [83]
Si Simón naman ang nahagilap ng̃ alaala. ¿Pinagtaksilan kaya siya? Hindi mangyayari. Kagabi lamang ay ika labingisa na ng̃ umalis sa bahay ni Beteng. At sinabi nitong naibigay niya ang salapi at tinanggap naman. ¿Saan naroon? Marahil ay tinitipon ang manunugtog. Walang sala; pagka’t pinainum pa niya ng̃ herés, bago umalis.
Humakbang ng̃ ilan ang binata at idinukot sa bulsa ang kamay. Tumanaw na naman sa malayo, ng̃uni’t wala pa rin. “Mg̃a tao na namang iyon, ¿di kaya inaalala ang kahihiyan ko?” ang tanong na magisa. Tinanggap ang salapi at ¿di sisipot? ¡Malaking pagkukulang sa pagsasama! Datapwa’t ¿ano ang magagawa ni Beteng? Siya’y nagaanyaya lamang. ¿Ang salapi? Yaon ay pabuya lamang. Iba ang upa sa pabuya. Kung upa, kahi’t umulan ay sisipot sa takdang oras. Sapagka’t pabuya, ay daratal kung kailan sipagin. ¡Utang na loob pa!
Inip na inip na ang binata. Pumagitna na naman sa daan at muling tumanaw. Wala pa rin. Si Simon man ay wala rin. ¿Tuluyan na kayang mabibitin ang kaawaawa? Sumisikdo ang loob; sumasasal [84]ang tibok ng̃ puso; nang̃ang̃apos ang hining̃a. ¡Mahirap na talaga ang mabing̃it sa kahihiyan!
Waring nabuksan ang lang̃it kay Beteng nang marinig niya ang tunog ng̃ bigwela. Walang alinlang̃ang yaon ay kina kapitang Andoy. Halos ay tumakbo ang binata sa galak. Matulin na pumanhik. Lalong sikip na ang bahay na bago ng̃ kapitan. Noon ay nagsasayawan na. Taas ang noo, lantad ang mukha, na dumulog sa harapang yaon. Ng̃uni’t ¡kay laking pagkabigo! Ang tumutugtog pala ay hindi ang komparsang kanyang inaantay, kung hindi ang orkesta ni Artemyo at ni Pastor. Napipi at napamangha ang binata. Lalong ibinaon siya ng̃ kahihiyaan. Malalamig na patak ng̃ pawis ang umaliw sa kanya. Ang mata naman ng̃ mg̃a kaharap ay parang umuuyam sa kaawaawa.
—Naito na pala si mang Beteng!—ang bulalas ni Labadre—¿nahan ang inyong komparsa? ¡Wala! ¡Nilagpasan kayo ni Artemyo!...
Walang naitugon si Beteng kung hindi sarisaring banta. Poot kay Artemyo, sapagka’t napaibabawan na naman siya. [85]Galit kay Labadre, dahil sa lagi siyang hinihiya at ibinibilad. Ng̃itng̃it kay Simón at sa komparsa, sanhi sa siya’y isinubo sa kahihiyaan. Gayon ma’y nagbakasakali ring daratal. At pinilit ang ng̃iting nagsaad kay kapitang Andoy:
—Nahuli ang komparsa natin.
—Tanghali na ng̃a—ang tugón naman ng̃ pinagukulan.
—Nahan mang Beteng ang inyong komparsa?—ang pagitna na naman ni Labadre—¿mayroon ba o wala?
—Mayroon—ang salo ni kapitana Martina na noon ay abalang abala—Ito namang si Labadre, ¿hindi pa ba kayo nasisiyahan sa orkestang iyan?
—Bah! Iba po ang komparsa ni mang Beteng sa orkesta ni mang Artemyo—ang tugon ni Labadre.
Patuloy naman sa pagtugtog ang orkesta, at patuloy din sa pagikot sa sayaw ang mg̃a bubuyog at bulaklak. Si Loleng naman at si Artemyo ang nagsasarili; kaya lalong naglalagablab ang poot ni Beteng. Paano’y dinadarang ng̃ panibugho. Gayon ma’y nagtatagumpay din ang dakilang asal. Nagkamayan din [86]ang dalawang binata. Kay Pastor ma’y parang walang ano mang bigat ng̃ loob.
Natapos ang sayawan. Pumutok ang serbesa. Lalong namayani si Labadre. Datapwa’t si Beteng ay parang nauupos na kandila. Lahat ay nakamata sa kanya o kay Artemyo kaya.
—Malaking pagkabigo!—ang pagkakalat na naman ni Labadre—¡Napeste na yata ang komparsa ni mang Beteng!
Halakhakan ang itinugón ng̃ lahat. Ang binatang tinukoy ay maputlang maputla. Isang babai lamang yaong nakasagot:
—Si mang Labadre naman; itinatanghal ninyo ang lalaong dakila sa ating panauhin....
—Lalong dadakila kung sumipot ang komparsa—ang patlang ni Labadre.
—Sisipot din—ang pagtatanggol ni kapitang Andoy.
Walang imik at nakahalukipkip si Artemyo sa piling ni Pastor. Kapwa sila nagpapausok ng̃ tabako.
—Sayang!—ang saad na naman ni Labadre—Mabuti, kapitang Andoy, at nagkaroon kayo ng̃ isang Artemyo, disin ay nabitin tayong lahat.... ¡Sa akin ay si [87]Artemyo ang lalong dakilang panauhin ng̃ayon!...
—Salamat po—ang salo ng̃ pinuri.
—Ehem,—ang tikim naman ng̃ ilán na ginanti ng̃ kindat ng̃ ibang nakababatid ng̃ lihim.
Dadaluhing̃in na sana ni Beteng ang Labadreng kanina pa’y kinaiinisan na niya, kung hindi dumatal na humahang̃os at may dugo sa damit si Simón.
—Mang Beteng!—ang wika—¡Humawak ka po ng̃ patalim at ibang̃on natin ang iyong kahihiyan! ¡Narito ang umaagaw ng̃ iyong dangal! ¡Ang isa ay napatay ko na!
—Ano ang nangyari? ¡Simón!—ang gulat na tanong ni Beteng.
—Kailang̃ang pumatay ka po ng̃ tao pagka’t ang dang̃al mo ay inaagaw ng̃ iba!
Boong tapang na isinaad na labis na nakatulig sa lahat ng̃ nakikinig. Si Beteng ay lalong naupos. Si Labadre man ay napipilan din. Maging si kapitang Andoy, maging si kapitana Martina, ay napako sa pagkamangha. Ang magandang Dolores ay nangliit sa takot. Sino ma’y [88]walang nakaimik. Isa isang minalas ni Simon ang panauhin. Hinanap ng̃ kanyang mata ang mg̃a kaaway ng̃ kanyang katoto.
Sa gayong anyo, na lahat ay natitigilan, ay sumipot ang mg̃a alagad, ng̃ pamamayapa, ang kinatawan ng̃ pamahalaan. Tinutok ng̃ rebolber si Simon na:
—Bitiwan mo ang iyong patalim!
Binitiwan naman nito. Pinulot ng̃ isa sa mg̃a tiktik. Kinawit naman sa kamay ng̃ isa si Simon. At magalang silang yumaon. Si Beteng ay sumama naman sa dinakip. At ang aling̃asng̃as ay lalong naghari.
Isa’t isa’y lumapit ng̃ayon kay Artemyo at kay Pastor. Balana’y nag-usisa kung ano ang nangyari. Ng̃uni’t sa lahat ng̃ tanong ay pawang «aywan» ang sagot. At yumaon na rin ang magkaibigan, matapos magpasintabi kay Dolores at sa lahat ng̃ panauhin.
—Baka di na kayo bumalik?—ang huling tanong ni Loleng.
—Babalik; sandali lamang kami—ang tugón ng̃ dalawáng nagmamadali. [89]
Sarisaring hinagap ng̃ayon ang naghari sa kasayahan. Bulong dito, bulong doon, ang nangyari. Si Labadre nama’y lumikha na ng̃ kung ano anong mg̃a hiwaga na sing̃aw marahil ng̃ alak. [90]
Hapon na noon ng̃ araw ni Loleng. Ang panauhin nila ay mg̃a katulong na lamang. Ang pagsasaya ay natapos sa di oras, dahil sa sigalot na nangyari.
—Bah!—ang nasabi na lamang ni Artemyo nang siya’y dumating na lahat ay natatahimik. Ang durung̃awan man ng̃ bahay ay nakalapat. Isa mang tao ay wala siyang mamalas. Tunog ng̃ pinggan sa labas ang kanyang napupuna. Nagalang̃anin tuloy na magpatao po. Subali’t noong siya’y tatalikod na lamang ay nakarinig ng̃: [91]
—Mang Artemyo, tuloy kayo! ¿Ano po ba ang balita?
Ang kapitana Martina pala ang tumawag kaya’t pumanhik ang binata.
—Bakit ng̃ayon lamang kayo?—ang bati naman ni Loleng na buhat sa silid.
—Bakit naman nagkatapos agad?—ang usisa ng̃ binata.
—Nagkasakit sa nerbiyos si Andoy—ang salo ng̃ kapitana—Nariyan sa silid na binabantayan ni doktor Borlong̃an. Malubhang totoo.
—Diyata!—ang taka ni Artemyo.
—Nasindak kay mang Simon—ang patunay ni Dolores—Bakit talagang may sakit sa puso.
—Ang nangyari po’y ganito—ang pagbabalita na ni Artemyo—Nang̃ako rito, o kay kapitang Andoy, si Beteng ng̃ komparsa. Ang komparsa pong yaon ay pinang̃ang̃asiwaan ng̃ isang nagng̃ang̃alang Tomas. Si Beteng, upang matiyak na sisipot dito ang komparsa, ay nagbigay pa ng̃ salapi. Si Simon po naman ang nagdala, sapagka’t ito ang kasama ng̃ Tomas sa hanapbuhay. Nagkasundo di umano sila, at tinanggap daw po ang pinakaupa. Ng̃uni’t kanina raw po ay [92]antay ng̃ antay si Simon ay walang sumisipot. Hinanap daw po si Tomas at nakita sa bilyar. Inusisa raw po nito kung bakit di tumupad sa salitaan. Sapagka’t si Tomas daw po ay napagtatalo ay di raw hinarap si Simon. Sa gayon ay sumubo na ang poot ng̃ sumundo. Isang kung sino naman ang bumulong daw kay Simon na “talagang hindi sila sasama sa inyo sapagka’t salitaang ibibitin kayo.” Lalong nagdilim daw po ang isip ni Simon. Nagbunot na raw po ng̃ kortapluma at nilabnot ang damit sa dibdib ni Tomas. “¿Sasama ka o hindi?” ang makapangyarihan daw na tanong. “¡Huwag ka ng̃ang buwisit!” ang tugon daw naman ni Tomás, “¡Hayan ang salapi mo!” at inihagis daw po ang pabuya. Sapat na yaon upang si Simon ay gumamit ng̃ patalim. Tinarakan na raw po sa tapat ng̃ puso si Tomas....
—Hesus!—ang pahiyaw ni kapitana Martina.
—Di namatay?—ang saad naman ni Loleng.
—Mangyari pa po! ¿Di ba ninyo narinig ang hagibis ng̃ ambulansiya?—ang tanong pa ni Artemyo. [93]
—Narinig nga namin at siya tuloy nagtaboy ng̃ maraming panauhin—ang saad ng̃ kapitana.
—Bakit sinabi ni mang Simon kay Beteng na narito ang umaagaw ng̃ kanyáng dang̃al?—ang usisa pa ni Loleng.
—Ipinalagay po marahil nila na si Pastor o ako ang nagsulsol kay Tomas, na huwag sumipot.
—Patawarin ng̃ Diyos!—ang saad ni kapitana Martina, at hinarap si Dolores—ipaghanda mo sila ng̃ mirindal.
—Huwag na po. Marami pong salamat—ang maagap na pagayaw ni Artemyo.
—Hindi manyayari; kakain at kakain kayo—ang pasya ng̃ kapitana.
Si Dolores nama’y yumaon na upang ipaghanda ang irog. Ilang sandali lamang ay magiliw na nagsabing:
—Tayo na.
—Huwag na po—ang pasalamat ng̃ binata.
—Hala na—ang yaya naman ng̃ kapitana.
Sa kapipilit ay tumayo rin si Artemyo. Silang tatlo ay nagharap sa lamesa. Sumungkit si Dolores ng̃ mantikilya at ipinahid sa tinapay ng̃ binata. Nilagyan naman ng̃ kapitana Martina ng̃ keso ang [94]pinggan nito. Ng̃uni’t noong isusubo na lamang ni Artemyo ang biskuwit na isinahok sa mainit na sikulate ay nabigla sila sa tawag na:
—Kapitana! ¡Kapitana! ¡Dolores! ¡Dolores! ¡Madali kayo at mamamatay na ang kapitan!...
Madaling gumibik ang tatlo. Unahang pumasok sa silid ng̃ kapitan. Isang higit na lamang ng̃ balikat ang kanilang namalas, at:
—Patay na!—ang saad ng̃ doktor.
Malakas na hagulhol ng̃ magali ang nagbalita sa boong kabahayan, ng̃ masaklap na pagyaon ni kapitang Andoy. Dumagsa sa silid ang tao mula sa labas. Madlang kapitbahay ay nagsidalo rin.
Samantalang nagsisitang̃is halos ang lahat, si Artemyo ay pagal na pagal namang inaaliw ang kanyang pinopoon. Sa pagkahandusay sa isang upuan ni Loleng, ay boong giliw niyang pinapaypayan. Pinipisilpisil ang mg̃a daliri at hinahaplos ang mukha. Walang malay naman ang dinaklot ng̃ pighati.
Isang sandali pa ang lumipas at tinanghal nang bangkay, ang kanikanina lamang ay tinawag na kapitang Andoy. [95]
Sa isáng silid ay nagkulóng na naglapat ng̃ pinto ang magali. Mula roon ay umaling̃awng̃aw ang malumbay na pagtang̃is nila sa dagok ng̃ palad.
¡Kay saklap na naging kaarawan ni Loleng! ¡Nagsimula sa galak at natapos sa mapait na pagluha! ¡Sawing palad na pagkakataon! [96]
Gabing maligaya. Ang buwan noon ay parang nabibitin sa lang̃it. Nagpapalalo ng̃ kanyang yaman. Sa daan Sagat naman noon, ay magulong maguló ang mg̃a bata. May tubigan, may taguan, at kung ano-ano pang laro ang ginaganap. Nakikipaglamay sila sa liwanag na kaayaaya. Noon ang ika pitong gabi ng̃ dasal na patungkol kay kapitang Andoy. Kaya’t kung sino-sinong manang at manong ang nagsisidatal. At lalong marami ang dalaga at binatang mg̃a kaibigan ni Dolores.
Ang masamyong halimuyak ng̃ mg̃a dama-de-notse, sa halamanan ni Loleng, [97]ay sumusuob noon, at bumabati sa mg̃a alindog na panauhing patung̃o sa dasal. Ang mg̃a panggabing paroparo, o mga pusong palaboy ng̃ pagibig, ay naglisaw naman sa daan at inaabang̃an ang kanikanilang bulaklak. ¡Sayang ng̃a naman ang pagkakataon!
Mula naman sa lang̃it ay nagkislapkislap ang mg̃a hiyas ng̃ kalawakan. Mg̃a bituing waring nagsasaad na sinusubukan namin kayo. Hang̃in lamang marahil ang nakababatid ng̃ kanilang isinasaloob.
Mana’y tatlong lalaki ang sa daang Erran ay waring nagaaliw na naglalakad. Sila ay si Artemyo, si Pastor at si Labadre. Makikipagdasal ding gaya ng̃ mg̃a sinundang gabi.
—Hiyanghiya siya noon—ang saad ni Labadre—wala pa kayo ay talagang iniinis ko na.
—Bakit naman?—ang salo ni Artemyo—baka tuloy isinaloob na tayo ay magkakasapakat.
—Maano yaon?—ang sabad ni Pastor.
—Hindi—ang matwid ni Labadre—Batid naman ng̃ lahat na tayo ay di pa magkakakilala noon. [98]
—Kung sakali man ay sa pang̃alan lamang—ang lagot ni Pastor.
Lumiko sila sa daang San Tiyago.
—Magtapatan ng̃a tayo—ang hamon ni Labadre—¿ano ang ikinagalit ninyo kay Beteng?
—Galit kay Beteng!—ang pagtataka ni Artemyo—Ni sa guniguni ay wala akong galit sa kanya. Pilitin ko man yata ang mapoot ay di mangyayari.
—Sus!—ang di paniniwala ni Labadre.
—Talagang totoo kaibigan.
—Ako ang magtatapat—ang agaw ni Pastor—¿Bakit ba ako magbubulaan?
—Hala ng̃a—ang sambot ni Labadre.
—Ang masama ay dapat bungkalin—ang patuloy ni Pastor—Ang magtakip sa isang kasamaan ay ginagawa lamang ng̃ mg̃a taksil.
—Siyang totoo—ang ayon ni Labadre.
—Sapagka’t kami ay hindi taksil ay sasabihin ko ang katotohanan—ang dugtong pa ni Pastor—makasama o makabuti man sa amin.
—Iyan ang lalaki!—ang pagpuri ni Labadre.
—Hatulan mo:—ang simula na ni Pastor.—Si Beteng ay dinaig nito sa pang̃ing̃ibig [99]kay Loleng. Dahil doon ay sarisaring paninirá ang kanilang inasal. At pati ako ay binantang sapakatin. Ng̃uni’t di pumayag ang puso ko. Nabigo ang kanilang amuki. Sila ni Simón ang nagkasundong mabuti. Ako naman, palibhasa’y di maamin ng̃ aking sarili ang pagagaw ng̃ dang̃al nito, ay siya ko namang inagapayanan. Hanggang sa loob ng̃ Samahang «Kumilos Tayo» ay nagpanagupa kaming mabuti. ¿Doon ba naman ay sukat alisan ng̃ tungkol at itiwalag ito?...
—Hindi lamang yaon—ang putol ni Artemyo—inilathala pa sa mg̃a pahayagan na ako raw ay magdaraya, magnanakaw, at....
—Si Beteng ba o si Simón ang naglathala?—ang tanong ni Labadre.
—Si Beteng; nakalagda pa eh—ang patuloy ni Pastor—Ang nasapit ay nabagsak ang Samahan. Paano’y maraming nagsitiwalag at dinamdam ang nangyari. ¿Biro ba ninyong kahihiyan, yaon?
—Siya ng̃a—ang ayon ni Labadre.
—Mula na noon—ang dugtong ni Pastor—ay inabatan ko na siya. Inabatan [100]ko, ako lamang, sapagka’t ito ay ayaw makipatol.
—Bakit makikipatol ay napapabuti na siya?—ang biro ni Labadre.
—Hindi naman—ang ng̃iti ni Artemyo.
—Nang mabalitaan ko ang araw ni Loleng—ang giit din ni Pastor—ay nilakad ko ang komparsa niyang inanyayahan upang huwag sumipot. Sa mabuting salita ay di lamang pumayag na sila ay di sisipot, kung hindi nang̃ako pang sa amin sasama. Datapwa’t inakala kong pang̃it ang gayon. Kaya pinaurong ko ang kanilang pagparoon, at humanap na ako ng̃ orkesta....
—Ah! ¡Labis ang pagkaganti ninyo!—ang hatol ni Labadre—¡Malakas na sampal ang inyong ginawa! ¡Ng̃uni’t ... patas na kayo!
—Nakalalamang pa kami—ang habol ni Pastor.
—Mangyari pa! sa inyo tumining ang pagpuri ng̃ lahat—ang ayon ni Labadre.
Noon ay na sa tapat na sila ng̃ tahanan ni Beteng. Madilim ang bahay at wala ni kalatis mang marinig. Tahimik namang lumagpas ang tatlo. At lumiko sila sa daang Sagat. [101]
—Kumusta naman kayo ni Loleng?—ang usisa na naman ni Labadre—Banta ko’y nakasapit na kayo sa lupang pang̃ako....
—Malayong malayo—ang tugon ni Artemyo.
—Ang turo ko sa kanya—ang dugtong ni Pastor—ay pagkaraan ng̃ dasal sa nasirang kapitan ay umaklás na sila....
—Bakit pa aaklas?—ang tanong ni Labadre—Magpamanhikan na lamang at ako....
Hindi natapos ang pananalita ni Labadre, at sunodsunod na, bumulagta ang tatlong magkakasama. Isang lalaki ang nanampalasan. Saksak dito, tarak doon ang ginawa. Nang̃akatimbuwang na’y di pa tinirahan ng̃ búhay. Sa isang sandali, ito ay naganap. Bago napakilala yaong mamamatay:
—Ako’y si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Ang lalaking isinubo ninyo sa kahihiyan! ¡Wala akong ginawa kun di maning̃il! ¡Ako na rin ang hahanap ng̃ katarung̃an!...
Inihagis ang hawak na balaraw. Yumaon ang lalaking naghiganti. Nilisan sa liwanag ng̃ buwan ang tatlong bangkay. [102]Ang ulo ni Artemyo ay napatong sa dibdib ni Labadre. Si Pastor naman ay nakabulagtá sa may dalawang dipang layo. Ang dugo ng̃ mg̃a sawi ay parang idinilig sa pook ng̃ sakuna.
—Tatlong bangkay!
—Inutás si Artemyo!
—Sino ang pumatay!
—Pinatay si Labadre!
—Hinarang!
—Tinapos si Pastor!
Ganyang mg̃a aling̃awng̃aw ang sa ilang saglit lamang ay gumuló na sa bayan ng̃ Pako. Ang tao sa mg̃a sine, ay unahan ng̃ paglabas. Maging mg̃a pulis ay gulonggulong. ¿Ang dasal pa kaya kina kapitana Martina ang hindi naligalig? Naligalig din. Naligalig ng̃ gayon na lamang. Takbuhan sila sa pagpanaog.
—Ay!—ang buntong hining̃a ni Loleng, nang mamalas niya ang bangkay ng̃ kanyang giliw at nagunahan nang pumulas ang luha....
Ang kahihiyan ay sinupil ng̃ pagibig. At ang lakas nito ay namayani na naman noon. Niyakap ni Dolores ang bangkay ni Artemyo. Inihiga sa kanyang [103]kandung̃an. Luha naman ang itinulong ni kapitana Martina. At lahat ay nagtaglay ng̃ habag sa busabos ng̃ pagibig; kay Loleng na nagtanghal ng̃ di karaniwan sa mata ng̃ madla. Mabilís na umaagos ang kanyáng luha, na nagbabansag ng̃ matayog na kadakilaan ng̃ kanyang puso, at magtatanghal ng̃ taimtim na pagdaramdam ng̃ kanyáng kalulwa. [104]
Waring mg̃a salarín na hinahakot ang mg̃a manglilimbag sa limbagan ng̃ Pamahalaan, at dinadala noon sa pagamutan ng̃ San Lásaro. Dahil sa pagkamatay ng̃ isang kasama, sa sakit na dipterya, ay muntik ng̃ ikulong ang lahat ng̃ kawani sa boong limbagan. Kuwarentenas diumano ang kailang̃an, sapagka’t mapang̃anib na sakit ang dipterya. Ang mikrobyo raw noon ay totoong mabisang makahawa. Ganyan ang pasya ng̃ matatalinong doktor sa Kagawaran ng̃ Karunung̃an. At naganap ang pasya, baga man kay daming anak ng̃ dalita ang napinsalaan. [105]
Lungkot, pighati, hinagpis, pamamanglaw, iyan ang lumalaro sa mg̃a kaawaawa na ikinulong sa isang kamalig na ni lamok ay di makapasok. May tumatang̃is at may tumatawa. Datapwa’t ... ¿ano pa? Pagtang̃is na inililihim at pagtawang pilit lamang. Ang iba’y malungkot na inaalaala ang asawa. Ang iba’y iniluluha ang mg̃a anak. At ang iba nama’y mapanglaw na ginugunita ang kanilang pinopoon sa buhay, ang lang̃it ng̃ kanilang pagibig. Kung minsan sa hinagpis na ¡ay! ay buntong hining̃ang ¡ay! din ang tugon....
At ¿bakit di sila mamamanglaw? Tunay; sila’y malalakas pa kay sa humakot sa kanila. Paano’y wala namang sakít. Subali’t ang pagkawalay sa mg̃a pinakamamahal sa buhay, ang masabing sila ay may mikrobyo ng̃ dipterya, ay labis nang makapanglumó ng̃ puso. Isa lamang dito ay sapat nang sumupil sa kanilang lakas.
Noón ay isang hapong mapanglaw.
Salamat sa pagdalaw ng̃ ilang mg̃a kasama at kamaganak, ay nababawasan ang kanilang lungkot.
Salamat din naman sa mg̃a alaala ng̃ [106]“Kami Naman”, na paano’t paano ma’y ikinaaaliw nila. Ang masasarap na biskuwit, welga, at sigarilyo, na abuloy ng̃ Samahang yaon sa Pako, ay nakatutugon din kahi’t bahagya sa kanilang hapis. Paano’y tanda yaon ng̃ pagmamahal; pagmamahal na ibinuyo ng̃ pagibig; at pagibig na likha ng̃ banal na pagkakapatiran.
—Ano ang naisipan ng̃ “Kami Naman” at nagpadala rito ng̃ abuloy?—ang tanong ng̃ isa.
—Wala. Tumupad lamang sila sa kanilang tungkulin. Dumamay sa kapatid—ang paliwanag ng̃ nakasalamin.
—Tayo ba’y kapatid nila? ¿Hindi naman tayo kasapi?—ang patlang ng̃ iba.
—Oo. Kapatid nila tayo; kasapi man at hindi sa kanilang Samahan. Sapagka’t ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong ang mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya ang Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan....
—Tama!
—Mabuhay!
—Katwiran!
Ganyan ang itinugon ng̃ ilan at tinapos sa palakpak na pagpuri ng̃ lahat. [107]
—¡Mg̃a kapatid!—ang malakas na hiyaw na kanilang narinig.
Natahimik ang lahat. Sila’y nagsidulog sa durung̃awan. At mula roo’y napanood nila kung sino ang sumigaw. Isang baliw sa kulung̃an ng̃ mg̃a sawing palad. Na sa bahay na katapat ng̃ kanilang kinapipiitan. Mula sa durung̃awan noon ay isang talumpati ang binigkas sa kanila:
—Mg̃a kapatid: Itigil ninyo ang pagawit ng̃ galak. Ang dapat magalak ay ang nasisiyahan sa buhay. Samantalang tayo ay naghihikahos: gipít sa lahat ng̃ kailang̃an; dahop sa salapi; uhaw sa paglaya; ay pawang pighati ang ating dalitin... Sapagka’t, sapagka’t, sapagka’t siyang bagay sa ating kalagayan....
—Katwiran!—ang bulung̃an ng̃ mg̃a nakikinig.
—Makinig tayo!—ang saway ng̃ ilan.
—Sa buhay na ito ng̃ mg̃a pang̃arap—patuloy ng̃ nagtatalumpati—ay talagang pawang katiwalian ang malimit mapanood. Ang mahirap ay nasisiyahan sa kanyang kahirapan, ng̃uni’t ang mayaman ay di nabubusog sa kanyang kayamanan. Gayong ang dapat mangyari ay [108]masiyahan ang masalapi sa kanyang kasaganaan, at dumaing ang dukha sa kanyang kadahupan. Subuking iwasto ang lakad ng̃ buhay: tumahimik ang mayroon; magsigasig ang wala: at ang puso ng̃ maralita ay hindi na tatang̃is....
—Totoo—ang turing ng̃ ilang nakikinig.
—Makamahirap pa!—ang paghang̃a ng̃ iba.
—Bayan ko—ang hiyaw na naman ng̃ baliw—¿Kailan pa mapapanatag ang iyong kapalaran? ¿Habang panahon na ba ang iyong pagtitiis? ¿Talaga bang isinumpa ka sa kaapihan? ¿Bakit di ka kumilos? ¿Ano ang kabuluhan ng̃ iyong lakas? ¡Walang kalayaang inililimos! ¡Ang ipinamimigay ay ang kalabisan ng̃ nagbibigay! Ano pa’t ang layang inaantay mo, ay ¡ang labi ng̃ pang̃inoon! Datapwa’t alalahanin mong may mg̃a labi, na ni hayop ay tumatanggi.... At ang bayang labi ng̃ kapwa bayan, ay mahina. ¡Walang kasing hina! Marupok. ¡Walang kasing dupok! ¡Parang salamin lamang! ¡Sayang ang iyong matatalino! ¡Sayang ang iyong matatapang! ¡Masdan mo’t isa isang nagsisitulog sa libing̃an! ¿Bakit di mo samantalahin ang kanilang lakas? Kung ang [109]tao ay sumipot upang makipagagawan sa buhay, ang bayan ay nilikha upang makipaglaban sa karapatan....
—Iyan ang ulol na nagsasabi ng̃ katotohanan!—ang pagtataka ng̃ mg̃a nakikinig.
—Sino kaya iyan?—ang tanong ng̃ iba.
Ang baliw naman ay lalong gumilas sa paglalahad ng̃ mg̃a nangyayari. Kumuha ng̃ pisi at sa dulo’y itinali ang kanyang panyolitong puti. Inilawit sa rehas. Binayaang iniwagayway ng̃ hang̃in. At malakas na sinabing:
—Hayan ang watawat ng̃ pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng̃ pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng̃ digmaan ay unahan tayo ng̃ paghawak. Datapwa’t kung pula, tanda ng̃ paglaban, ay nagtuturuan tayo. ¡Magdarayang tapang!...
Sandaling natigilan. Bago nagpatuloy:
—Bandila ng̃ kapayapaan! Ang kapangyarihan mo ay nagdidiwang sa ibabaw ng̃ maliit at api. Nagdidiwang, sapagka’t nasisiyahan sila sa kanilang kaliitan at kaapihan. Datapwa’t sa malalakas at manglulupig, ang kapangyarihan [110]mo’y hindi makapamayani. Hindi makapamayani, sapagka’t di pa sila nabubusog sa kanilang tayog at kadakilaan. Dapat lumaganap sa lahat ang iyong lakas. ¡Masupil mo nawa ang sangkatauhan!...
Noon ay papaalis na ang mg̃a dalaw. Nang mapuna ng̃ baliw ang pagyaon ng̃ ilang dalaga, ay maliksing hinigit ang kanyang watawat. Nagpugay sa mg̃a paalis, na anya’y:
—Paalam mg̃a dalaga ng̃ lahi, masamyong bulaklak ng̃ bayan. Dahil sa inyong dilag ang libo mang buhay ay ipasasawi. Si Plorante’y naging Plorante dahil kay Laura; si Ibarra’y naging Ibarra dahil kay Marya Klara; ako naman ay magiging ako dahil sa kagandahan ninyo. Paalam mg̃a pang̃arap ng̃ aking puso. Taglayin ninyo ang alaala ng̃ inyong sawing lingkod....
—Malambing̃in pa—ang saad ng̃ isang nakikinig.
—Parang hindi ulol—ang pasya ng̃ iba.
—Siya ng̃a—ang ayon ng̃ ilan.
Nagpatuloy naman ang baliw; ng̃uni’t iba na ang uri ng̃ isinasaad. Ang tinig man ay tinig panambitan na: [111]
—Loleng ng̃ buhay ko! ¡Dolores ng̃ aking kaluluwa! Halika’t pawiin mo ang lungkot ng̃ iyong alipin. Dahil sa kagandahan mo, tampok ng̃ pagibig, ako ay naging mamamatay. ¡Limang buhay ang inutang ko!...
At naghinagpis ng̃:
—Ay, kapalaran! ¡Napakadilim ng̃ gabi na aking nilalamay! ¡Nakamatay ako sa di kinukusa! ¡Kaibigang Artemyo, katotong Pastor, kasamang Labadre, mg̃a kulang palad na naparamay sa aking kasawian!... ¡Simón! ¡Simón! ¡Simón! ¡Huwag kang mahapis diyan sa bilibid! ¡Ang pagdurusa mo’y tanda ng̃ iyong pagkamatapat na katulong! ¡Sa gaya mo, buhay man ay maipagkakatiwala!... ¡Ang kayamanan ko’y manahin mong lahat!... At magdiwang ka ng̃ boong galak....
Nilagot ang salita sa halakhak. Nagpatuloy pa rin:
—Ako si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Limang buhay ang aking inutang! ¡Apat ang inutas ko ng̃ patalim at isa ang namatay sa takot sa aking ginawa! ¡Kay Tomás ay ako ang pumatay! ¡Hindi si Simon! ¡Palayain ninyo siya! Si Simón ay kinasangkapan ko lamang sa pagpatay. [112]¡Si Tomás ang unang tinampalasan ng̃ marahas kong loób! ¡Kay Artemyo, kay Pastor, kay Labadre, ay ako rin ang pumatay! ¡Si kapitang Andoy man ay namatay sa pagkasindak sa sakuna! ¡Ano pa’t dahil din sa akin! ¡Oo; inaamin kong limang buhay ang aking utang, kaya’t ako na rin ang humanap ng̃ katarung̃an!...
At tinapos ang talumpati sa:
—¡Pagibig! ¡Pagibig! ¡Itang̃is mo ang mg̃a sinawi ng̃ iyong lakas at kapangyarihan!.... ¡Dalaga! ¡Dalaga! ¡Alalahanin mo ang mg̃a nalugmok dahil sa iyong kagandahan!... [113]
Tumatakas na noon ang tuwa at marahang humahalili ang lungkot. Ang ilaw ng̃ sangdaigdig ay sumisibsib na noon sa kalunuran. Iba’t ibang bikas at kulay ng̃ ulap ang napapanood sa kaitaasan. Samantalang sa lupa ang tinig ng̃ panglaw ay namamayani na. Datapwa’t lumalo pa sa looban nila Dolores, doon sa halamanang kinakitaang natin sa kanya noong siya’y nagaaliw at nagpapalipas ng̃ isang mapanglaw na hapon. Oo; doon ay lumalo pa ang lungkot; paano’y naroon si Dolores at dinidilig ng̃ patak ng̃ luha ang kanyang alagang mg̃a tanim. [114]
—Ay!—ang buntong hining̃a—¡Kay saklap ng̃ buhay!...
Tinutop ng̃ dalawang palad ang kanyang mukha bago nagpatuloy:
—Halos kahapon lamang ay kasalo at kaulayaw ko ang aking Ama, ng̃ayon ay na sa lang̃it na.... ¡Kay pait gunigunihin!
Tinapos sa isang masaklap at malalim na ¡ay!... Ang perlas na luha ay naguunahang bumalong sa mg̃a malas ng̃ kaawaawa at sa di kinukusa ay napatanaw sa kaitaasan.
—Lang̃it, oh, natung̃ong lang̃it.... Kung turan ng̃ mg̃a makata, ikaw ay maawain. Kung sabihin ng̃ mg̃a maralita, ikaw ay mapagkandili. Ng̃uni’t ang katotohanan ay inagaw mo ang boo kong kalwalhatian. Wala kang inalabi sa akin kung hindi isang pusong nalulunod sa hapis at isang pagibig na nabibilibid ng̃ mg̃a himutok. Sa ganap na pang̃ung̃ulila ay tinatawanan mo ako, ng̃ayon....
At tumung̃o, tung̃ongtung̃o, na sa masidhing pananaig ng̃ lungkot ay napasandig sa puno ng̃ kamuning. Noon ay may isang ibong nagparinig sa kanya ng̃ lalong mapapanglaw na dalit. Sa puso ni Dolores ay lalong nagugat ang lumbay. [115]Paano’y nagunita niya ang mg̃a awit ni Artemyo, si Artemyong artista, ang kanyang kapapanaw na giliw.
Lumakad ang ulilang kalulwa at dumulog sa kanyang mg̃a sampagitang noon ay naghahandog ng̃ kawiliwiling bang̃o. Isa isang hinagkan ng̃ nalulungkot na dalaga.
—Kayo, kayong mg̃a sumaksi sa lihim ng̃ buhay, kayong naging aliwan ng̃ aking giliw, halana, halana, aliwin ninyo ang ulila sa lahat ng̃ kaligayahan.... At tayo’y magsalong magalaala sa kanya....
Marahang pinuti ang mapapalad na bulaklak. Sa lumang luklukan ay malungkot na naupo ang dalaga. Dito naglaro sa kanyang isipan ang lalong maligayang dahon ng̃ kasaysayan ng̃ kanyang buhay sa pagka binibini. Hinalungkat ng̃ kanyang alaala ang hapong pagtatalik niya sa galak. Noon ay araw ng̃ Huwebes. Siya at si Artemyo ay kapwa pinalaya ng̃ palad. Ang kanyang ali ay nakatulog yata sa pangginge. Doon ng̃a, sa halamanang yaon, at sa luklukan ding yaon, sila ni Artemyo ay lihim na sumumpa, sa harap ng̃ kanilang dang̃al at sa ng̃alan ng̃ kanilang pagkatao. Ang [116]mg̃a puso nila ay kapwa ipinasulat na maging busabos at ipinakilalang pang̃inoon din naman. Ano pa’t noon niya binitiwan ang «oo» ng̃ kanyang pagibig. At noon din siya pinang̃akuan ni Artemyo ng̃ lalong matamis na pagmamahal. Sa ikapagtitibay nito, ay isinanla sa kanya ang isang singsing na hanggang ng̃ayon ay nagniningning pa sa kanyang mg̃a daliri.
—Singsing ng̃ giliw ko! ¡Kaputol na ginto at batong nagniningning! ¡Hiyas, na tang̃ing pamana sa akin, ng̃ aking pang̃inoon at buhay! ¡Lalong nadudurog ang puso ko, kung mapanood ka ng̃ aking malas! ¡Ang nakaraan ay ipinatatanaw mo at ibinabalik mo ako sa aking kahapon! ¡Sa lang̃it ka na tutubusin ng̃ nagsanla sa iyo!...
Tanda ng̃ pagkalunos sa hiyas ng̃ kanyang kasi, ay magiliw na hinagkan ito. Kaya itinirik ang mata sa kalawakan at waring hibang na kinausap ang bumihag sa kanyang puso:
—Artemyo, bayaan mong alalahanin ka ng̃ nagmamahal sa iyo....
Noon ay nagsipotsipot na sa kaitaasan ang mg̃a hiyas ng̃ gabi, ang mg̃a brilyante [117]ng̃ malapad na lambong ng̃ dilim. At sa gitna ng̃ gayong kalungkutan, sa pamamayani ng̃ aling̃awng̃aw, ay mg̃a piping hibik na ¡ay! ang waring nahihiging̃an. Yaon ang hinagpis ng̃ pusong sapupo ng̃ sakit, ni Dolores na di na mabata ang pait na ipinalalasap sa kanya ng̃ palad....
Kinabukasan, sa libing̃an sa Singgalong, ay dalawang babai ang pumasok. Pusong busabos ng̃ pighati, kalulwang alipin ng̃ hapis, ang kanilang dala. Kapwa luksangluksa, nagbabansag ng̃ sakit na nilalasap ng̃ buhay. Marahang nagsisilakad at nakatung̃ong tulad sa mg̃a banal. Sila ay si Dolores at si kapitana Martina.
Si Dolores? Oo. ¡Si Dolores! Si Dolores Balderrama; ang tala sa daang Sagat sa Pako, dalagang nakabighani sa maraming pusong palaboy ng̃ pagibig. Ng̃uni’t hindi na siya si Dolores na larawan ng̃ ganda; hindi na siya ang bituing kalaro ng̃ kaligayahan. Siya ng̃ayon ay si Dolores na nagpipighati; ang dalagang yapus ng̃ matinding biro ng̃ kapalaran.
Si kapitana Martina ang kasama? Oo. ¡Ang kapitana Martina! Ang mahal na asawa ng̃ nasirang kapitang Andoy. Datapwa’t hindi na siya ang kapitanang [118]mapagsiste: matandang sa lagi na’y masaya. Siya ng̃ayon ay babaing sapupo ng̃ lungkot, matandang ulila sa galak.
Oh, panahon, kay dali mong magbago ng̃ anyo!
Noon ay hapong napakalungkot. Sa libing̃an ay ganap na nagdidiwang ang pananahimik. Pamamanglaw lamang ang doo’y nakapangyayari. Ang mg̃a krus na tanda ng̃ patay ang tang̃ing tanod ng̃ mg̃a nagpapahing̃alay. May mang̃ilang ibong nagsisihuni, ng̃uni’t ¿ano pa? huning nakapagdadagdag ng̃ lungkot sa mg̃a ulila ng̃ pinakamamahal.
Lumapit sila sa libing ni kapitang Andoy. Inilagak ang ilang bulaklak ng̃ biyoleta, na dinilig muna ng̃ luha. Doon ay naiwang tumatang̃is si kapitana Martina na pinagyayaman ang libing ng̃ bunying kapitan.
Si Dolores ay doon naman lumuhod sa harap ng̃ krus ni Artemyo. Ang bulaklak na dala bago inilagak ay hinagkan muna. Nauna pang pumatak ang mg̃a luha ng̃ kaawaawa.
Kay lungkot na panoorin!
—Artemyo!—ang wika—¡Bayaan mong sa iyong pananahimik ay paminsanminsang [119]alalahanin ka, ng̃ pusong di nakalilimot! ¡Naging sawi ka man sa iyong palad, ay dakila ka naman sa alaala ng̃ iyong iniwan! ¡Diyan na! ¡Diyan na sa bayang payapa awitin natin ang tamis ng̃ pagibig!... ¡Ang kapalaran ay di matutulan!...
At sa pisng̃i ng̃ dalaga ay marahang umaagos ang mg̃a patak ng̃ luha; mg̃a luhang pangalaala...
¡Kay tamis ng̃ kamatayan kung gayon ang pagmamahal ng̃ mauulila!...
WAKAS
[121]
Sa matalino at mayuming Bbg. Fausta Cortes.
Marang̃al na binibini:
Matapos ko pong mabasa at manamnam ang unang supling na ito ng̃ inyong makisig na panulat; matapos kong mapagukulan ng̃ mahabang pagwawariwari, ay agad ko pong isinakamay ang aking pulpol na panitik upang boong ing̃at na panalaytayin ko sa maputing papel ang napakalaki ninyóng napithaya sa dahop kong kaya na katigan ng̃ mg̃a panghuling kurokuro ang napakamahalagang aklat ninyong ito, ang AGAWAN NG̃ DANG̃AL, na handang iyalok sa lalong may pihikang panlasa, palibhasa’y pagkaing luto sa inyong sariwa at mayamang isipan.
Datapwa’t, ¿paano po kaya ang aking gagawin, marang̃al na binibini, upang makayari ng̃ isang tunay na epílogo?
¿Purihin ko na lamang po kaya ang pagkaing ito, at sabihin kong masarap, at sagana sa mg̃a kailang̃ang sangkap, kahi’t na may nalalasahan akong anghang at pait? [122]
¡Inaakala ko pong hindi wasto ang gayon!
Sapagka’t ayon din po sa pasiya ng̃ isang bantog na polemista, kilalang mang̃ang̃atha, tanyag na mananagalog at datihang mamamahayag na si Inocencio Dilat (humigit kumulang) na, hindi anya kailang̃an ng̃ isang epiloguista ang sabihing ang aklat na ito (halimbawa) ay mainam, may dakilang layong mag-alis ng̃ piring sa mata ng̃ hang̃al, may maningning na mg̃a pang̃ung̃usap, sagana sa mg̃a palaisipang malalim, busog sa mg̃a pantas na pagkukuro at mayamang mayaman sa pananagalog na tabas Balagtas, sapagka’t anya’y isang kalabisan. Ang isang epiloguista ay katulad din anya ng̃ isang crítico, magpasiya at turulin ang isang bagay na kamalian, bago suriin at hatulan, alalaon baga’y punahin ang mali bago itumpak at ilagay sa dapat kalagyan.
Ng̃uni’t ... ito ng̃a kaya ang tunay na epílogo? ¡Iyan ang hindi ko mataya!
Datapwa’t ... para kay Inocencio Dilat ay ganiyan, ganiyang ganiyan.
At ... ipalagay na po nating ganiyan na ng̃a. Punahin ko ang lahat ng̃ kamalian; sabihin kong namimilipit ang inyong mg̃a pang̃ung̃usap; minsang madapilok sa paglalarawan ng̃ lalong mg̃a kailang̃ang ibadha ng̃ inyong panitik; may mg̃a pangyayaring madilim, malabo; [123]may mg̃a bigkasing kayong hawig sa wikang kastila ó ingles, ó ang gayon at ganito ay di mangyayari, anopa’t ang lahat ng̃ kamalian ay isa-isahin kong turulin, suriin, punahin, bago itumpak, at... iwan ang dapat suubin ng kamaniyang, ang dapat purihin, ang dapat itampok sa lalong napakatayog na karang̃alan, alalaon baga’y sabihin kong mapakla at hilaw ó kaya’y mapait at maasim ang inyong ipinalasap na ito sa ating mg̃a mambabasa, gayong ang katotohana’y, sa kabila naman ng̃ lahat ng̃ iyan ay mayroong nalalasahang tamis, sarap, linamnam, ay ... ¿ano po kaya ang wiwikain ninyo sa akin?
¿Hindi po kaya mang̃unot ang inyong noo at sabihin na ako’y masamang epiloguista, kung epiloguista na ng̃ang matatawag kahi’t birobiro ang abang kaliitan?
¡Oh!.. kay laki ng̃ inyong napita; pagkalakilaki... At sa kalakhan, ay hindi ko po tuloy matutuhan kung paano ang aking gagawin upang mapaunlakan ko kayo sa inyong hiling.
Sapagka’t ... ang wika ng̃a po ng̃ isang mangwawagi’t bantog na makata at balitang manlilinang sa napakatamis na wikang ginamit ng̃ ating haring si Balagtas, sa kanyang walang kamatayang Florante at Laura, na si Itang Balbarin, na tubo sa mapalad na libis ng̃ bundok ng̃ Samat, na siyang kinakitaan [124]niya ng̃ unang liwanag ng̃ araw, na: ang isang epiloguista raw po ay hindi dapat mamuna ni maglahad ng̃ ano mang tutuntunin sa pagsulat, sapagka’t, ang isang epiloguista ay kaibangkaiba anya sa isang crítico.
¡May matwid!
At, kung ganito ng̃a ay ... ¿paano po kaya ang dapat kong gawin o saang landás ako tutung̃o upang makayari ng̃ isang wastong panghuling salita?
Para kay Inocencio Dilat ay di wastó ang ganito...
At, para kay Itang Balbarin naman ay lalong di tumpak ang gayon.
¿Alin kaya ang dapat paniwalaan sa kanilang dalawa? ¡Kay laking suliranin!
At ... sa suliraning iyan ay para ko pong nakikinikinita sa dalawang bantog na manunulat na iyan, na darating ang isang pagkakataong maguunawaan din sila; pagtatapisin ang kapwa nila matwid sa pamamagitan ng̃ pagpipinkian ng̃ kanikanilang mg̃a panitik sa larang̃an ng digmaan ng̃ literaturang tagalog.
Ng̃uni’t samantalang tayo po’y nagiintay at upang ako’y makatupad sa inyong napithaya ay wala po akong ibang gagawing batayan sa epilogong inyong hinihing̃i kundi, ang sinabi ng̃ kataastaasang Pang̃ulong Wilson, na, anya’y: justicia y nada mas justicia. [125]
Sa makatwid ay wala kayong sukat maintay sa akin, marang̃al na Bbg. Cortes, kundi ang dalawang bagay: purihin ang dapat purihin, at, punahin ang dapat punahin.
¡Kurokuro!
Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortes, ay isang aklat na tang̃i sa may layong mag-alis ng̃ kulaba sa pangmalas ng̃ mg̃a hang̃al, magakay sa lalong may bulag na pagkukuro, nakapagtuturo pa rin sa ibang kadalagahan, diyan sa mg̃a dalagang dahil sa kinang ng̃ salapi ng̃ sa kanila’y mamintuho, ay nalilikhang sapilitan ang pag-ibig at di inaantay ang kusang tibok ng̃ kanilang puso.
Sa loob ng̃a ng̃ AGAWAN NG̃ DANG̃AL ay parang namamalas ko pa hanggang ng̃ayon ang animo’y mg̃a larawang buhay na nagsisigalaw: ang magandang Dolores; ang mapalad na si Artemio; ang mapagsisting si kapitana Martina; ang antukin at matatakuting si kapitang Andoy; ang mabuting tao, ng̃uni’t masamang kristianong si Simon; ang matapat at walang kasingbuting katoto, ang may diwang Tasio, sa Noli ni Rizal, na si Pastor; ang mapagpansin na si Labadre; at ... ang nakatatawang pagkahuli ni kapitana Martina sa isang batang sisilipsilip ng̃ nag-aagahan na si Beteng, yaong si Beteng na walang [126]tang̃ing ipinang̃ahas mula’t mula pa kundi ang kanyang kayamanan, ang kanyang pilak, sa pang̃ing̃ibig sa mayuming si Dolores, na siyang gumanbala ng̃ kanyang isip, diwa’t pagkatao.
Ang nakakapanaghiling kapalaran ng̃ artistang si Artemio, si Artemiong kapangpang̃an, ang wika ng̃a ni Beteng, yaong si Beteng na hindi makapaglakbay sa lupang pang̃ako, kundi may kasama; hindi makapitas ng̃ ibinabawal na bung̃a ng̃ mansanas kung walang hagdanang matutungtung̃an, ay maging mabisa sanang tampal at matinding hagupit sa ilang mg̃a lalaking kung walang tulay ay di makapang̃ibig sa isang himala ng̃ ganda, sa isang Venus.
Si Dolores, ang kapatid na bunsong ito, ni Maria Clara, sa Noli Me Tangere, ni Meni, sa Banaag at Sikat, ni Celia, sa Florante at Laura, at ni Ligaya sa ¡Kristong Magdaraya! ay pinaglupaypay ninyo ang matigas na puso sa darang ng̃ maalab na pag ibig; pikitmatang pinatalaktak ninyo sa kaharian ni Kupido at pinahintulutan din ninyong magpamalas sa masinsing tabing ng̃ pagkukunwari sa kanyang hinahang̃aang binata, sa umagaw ng̃ kanyang pananahimik: kay Artemio.
At talagang ganyan ng̃a po ang dapat ninyong gawin, marang̃al na binibini, upang magkaroon ng̃ naturalidad ang isang pangyayari na, hindi gaya ng̃ iba nating [127]mang̃ang̃atha na sa pagnanasang huwag masinagan ng̃ bahagya mang gaspang ang isa sa mg̃a kumakatawan ng̃ kanilang aklat, na sapagka’t binigyan na nila sa una ng̃ mg̃a caracter na mahinhin, mayumi ay pakapipilitin patain ó inisin ang itinitibok ng̃ puso.
At upang patotohanan kong minsan pa sa inyo, na talagang hindi kamalakmalak na mangyari ang inyong ginawa na sa kahinhinan at kayumián ni Dolores ay paibabawin ninyo ang kagaspang̃ang nililikha ng̃ pag ibig ay ipahintulot ninyong sipiin ko rito ang matwid ng̃ ating Balagtas sa kalakhan at kadakilaan ng̃ ating tinutukoy:
Oh! pagsintang labis ng kapangyarihan
sampung magaama’y iyong nasasaklaw,
pag ikaw ang nasok sa puso nino man
hahamaking lahat, masunod ka lamang.
¿Ano ang nangyari kay Beteng?
Humigit kumulang na sinasabi sa aklat ninyong ito, na siya, si Beteng ay wala ng̃ sinikap sa gabi’t araw ó sa lahat ng̃ sandali, kundi ang ikalulukso ng̃ dang̃al ng̃ umagaw sa kanyang lang̃it, sa kanyang paraluman. At, di ng̃a inaksaya ni Beteng ang mahabang panahon at karakarakang isinagawa. Inanyayahan isang araw ang dalawa niyang kaibigan, si Simon at si Pastor at isinangguni ang kanyang maruming nais; datapwa’t anong tiwaling pagtitiyap at sa [128]isip at diwa nitong huli, kay Pastor ay itinanim ninyo, ang damdaming Delfín, ang pusong Felipe sa “Banaag at Sikat” ng̃ makatang Lope, na sa harap ng̃ matatalim na upasala at marung̃is na adhika ni Beteng, ay di ninyo pinapagtagal ang puso ni Pastor, pinapanalag ninyo sa mg̃a ulos at taga ng̃ mg̃a kaaway na lihim ng̃ kanyang kaibigan.
At sunodsunod ninyong isinabibig ni Pastor ang ganitong pang̃ung̃usap, sa tulong ng̃ kanyang dilang walang pang̃iming magsabi ng̃ katotohanan:
“Mg̃a kaibigan, huwag ninyong hamakin ang kanyang lahi. Kapangpang̃an man at tagalog ay iisa ang uri, at ang sumira ng̃ pag-iisang iyan, ay yaon ang taksil na dapat pang̃ilagan. Ang taong pumapatay ng̃ pag-dadamayan ng̃ pilipino ay yaon ang kalaban ng̃ bayan. Ang kaluluwang nagtatanim ng̃ pag-iiring̃an ay siyang uod na sumisira ng̃ laya at pag-asa ng̃ lahat”.
¡Anong ningning ng̃ pagkukuro ni Pastor!
At... nakaramdam ng̃ kirot ang dalawang pinagsabihan...
“Hindi mg̃a kaibigan—ang ganti ni Pastor—kailan ma’y di ko magagawa ang sumugat sa kapatid. Ng̃uni’t, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang nagbibinhi ng̃ pag-iiring̃an. Ang buhay ko’y aking itinataya lubha pa’t ang pag-iiring̃an [129]ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking kinakandong ng̃ palad...”
¿Ilan kaya sa mg̃a kababayan natin, Bbg. Cortes, ang makapagtataya ng̃ buhay sa pagtatanggol ng̃ matwid ng̃ isang tao?
¡Kay dakila ng̃ inyong paghahaka!
Matapos magpaalaala ang baliw na si Beteng kay Pastor, na ito’y nasa ibang bahay, ay para ko pang nakikinikinitang nakang̃iti at hantad ang noong sumagot:
“Sa bahay na pinaghaharian ng̃ dilim ay doon ko dinadala ang ilaw”.
Pagkatayogtayog po ng̃ kurokuro ninyong ito, Bbg. Cortes, na sa pamamagitan ng̃ kaunting salita lamang ay halos niyayanig ninyo ang budhi ng̃ mapagdunongdunung̃ang mg̃a hang̃al.
Ang dalawang katalo ni Pastor ay lalo ninyong pinagpuyos ang kapootan.
Ipinagtabuyan si Pastor, ng̃uni’t pang̃iti ring sinabi:
“Dapat ninyo akong itaboy; dapat ninyo akong turang ulol: sapagka’t, ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng̃ mg̃a musmus na tinuturuan.”
Sa harap ng̃ ganyang maigting na pagwawariwari ni Pastor, ay tahasang masasabi ko Bbg. Cortes na ang inyong baguhang panitik ay karapatdapat maisapiling ng̃ lalong mg̃a tanyag at dakilang mg̃a manunulat natin, sapagka’t [130]minsan pa ninyong ipinakilala ang mataos ninyong paggalang at pagmamahal sa wastong matwid.
Si Pastor ay nilakipan ninyo ng̃ kislap ng̃ sosialismo ng̃ mg̃a banal na aral ni Tolstoy, Jaurès at iba pa, na, siya ninyong nais matutuhan ng̃ ating mg̃a kababayan.
Kusa kong iniwan at babayaan na, marang̃al na binibini, ang nakaiinggit na lambing̃an ng̃ dalawang pusong bihag ng̃ pagibig: si Dolores at si Artemio. Hindi ko na po paguukulan ng̃ kurokuro ang kadalisayan ng̃ puso ni Dolores na hindi maalam masilaw sa kinang ng̃ salapi at sa hibo ng̃ kisig. Kusa pong di ko na gagalawin o paguukulan pa ng̃ mg̃a wariwari ang kasiglahan ng̃ handa sa kaarawan ni Dolores, maging ang kasanayan ninyang tumugtog ng̃ alpa; maging ang kalunoslunos na hinangganan ng̃ masayang handaan sa bahay ng̃ ating dalaga; ang di ninyo paglimot sa paglalarawan ng̃ mga kagandahan ng̃ mg̃a bituin ng̃ “Kami Naman” na dumalo sa naturang kasayahan, palibhasa’y ang lahat ng̃ iyan ay inaasahan kong sapat nang makapagudyok sa lahat ng̃ makababasa ng̃ aklat na ito, upang putung̃an kayo ng̃ walang katapusang pagpupuri.
At, ¿kung alinalin ang aking isasakarurukan ng̃ lalong kapurihan?
Wala pong iba Bb. Cortes kundi ang kinawilihan ko ng̃ang paghahaka ni Pastor, [131]na busog na busog ng̃ pagibig sa kanyang mg̃a kababayan, at ... ang mg̃a pang̃ung̃usap ng̃ baliw na si Beteng ng̃ siya’y napipiit na.
Sa ikaapat na kabanata, sa pangkat na naglalarawan ng̃ boong pagsisigasig ni Pastor, sa pagdamay sa kanyang kaibigang Artemio at sa harap ng̃ mg̃a manunugtog na ipagpaparang̃al ni Beteng ay natunghayan ko na naman, matapos ang ilang paliwanag ang lalong dakilang kurokuro ni Pastor:
“Narinig na ninyo—ang saad ni Pastor na linawin natin: hindi raw dapat bigyan ng̃ tungkulin ang isang dapo. Katwiran, ng̃uni’t ¿bakit nila natitiis ang mg̃a dapong naghahari sa ating bayan? at ¿dapo ba si Artemio? ¿Ano kung kapangpang̃an siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari bang magsarili ang tagalog na ang kapangpang̃an ay hindi? ¡Napakarupok na pagkukuro! Ang masasabi ko’y nakikilala ang dapong kapatid din nila, datapwa’t hindi nila nakikilala ang tunay na dapong dito’y tumawid. [...] Ng̃ayon at kalahi ay halos sakmalin. Ng̃uni’t kung maputi kahi’t na lumapastang̃an, ay ng̃ining̃itian din. Sinusurot, dinuduro at pinamumukhaan ang kabalat subali’t ang dayo ay saka lamang mamura kung nakatalikod”.
Kay sakit mo pong susugat Bbg. Cortes. Ng̃uni’t inaakala kong kailang̃an ng̃ang ang mg̃a bulok at uod na makasisira sa [132]mabulas na pagkakaisa ay isa isang lasunin. ¡Patain!
¡Magbinhi nawa ang inyong magandang adhika!
Sa gitna ng̃ pagtataka ng̃ hindi mabilang na mg̃a manggagawa sa bahay palimbagan ng̃ pamahalaan na nakuwarentenas dahil sa sakit na di umano’y dipterya, sanhi sa pakakapag-abuloy sa lahat, kasapi at di man ng̃ malusog na Samahang Kami Naman ay para ko pang nariring̃ig magpahangga ng̃ayon ang matalinghagang mg̃a pang̃ung̃usap ng̃ isang ulol na sagana sa mg̃a katotohanan.
At sa wakas ng̃ kanyang maniningning na sinabi, sa huli ng̃ kanyang mg̃a pang̃arap sa sinasapit ng̃ ating bayan, at pagkakaagwat ng̃ kapalaran ng̃ mayaman sa mahirap, ng̃ pagkakalayo ng̃ mahirap sa mayaman, ay di ko malirip magpahangga ng̃ayon po, Bbg. Cortés, kung bakit naisipisipan ng̃ ulol na si Beteng ang maglawit ng̃ isang panyo at bago sinabi ng̃ makita niyang pinapaspas na ng̃ hang̃in:
“¡Hayan ang watawat ng̃ pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng̃ pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng̃ digmaan ay unahan tayo ng̃ paghawak. Datapwa’t kung pula, tanda ng̃ paglaban, ay magtuturuturuan tayo. ¡Magdarayang tapang!” [133]
Subali’t sino kaya ang pinatatamaan ng̃ ulol na si Beteng?
Kundi ako namamali, ay walang iba kundi ang ibang mg̃a kababayan nating matatapang sa bibig ng̃uni’t wala sa gawa.
¡Napakasasakit na pang̃ung̃usap!
Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortés, ay inaasahan kong sa kahalagahan ng̃ layunin ay magiging isang bagong tipan na ikapagbabago ng̃ likong kaugalian ng̃ marami. Mg̃a pansin:
Bbg. Fausta Cortés: Itulot mo po naman ng̃ayon na ilahad ko ang aking mg̃a puna.
Tulad sa akin ng̃ sinabi, na hahalunkatin ko’t ibubunyag ang dapat purihin at ukol punahin, ng̃ayon ay magtatapat ako sa aking pang̃ung̃usap.
At, magsimula tayo.
Pagkarinig ko ng̃ pamagat ng̃ aklat na ito na AGAWAN NG̃ DANG̃AL, ay kumilos na sa aking guniguni ang larawan ng̃ pag-aagawan sa katungkulan ng̃ ilang kapatid nating araw-araw ay nagbabang̃ay. Inakala ko na’t hinulaan na yaong pag tutunggali ng̃ mg̃a taong gumugulo sa ating bayan ay siya ninyong pinuna. Ang isip ko’y humula ng̃ dalawang pangyayari, at boong boo ang aking pananalig na hindi sasala sa alin man sa dalawa kong akala, ang inilahad ninyo. Kung hindi ang nakahihiyang pag-aagawan sa karang̃alan ng̃ ating mg̃a politico [134]ay walang salang ang ligalig sa mg̃a halalan ang inyong tinuligsa. Ganyan ang boo kong sapantaha at marahil ay siya namang sasapantahain ng̃ iba. Datapuwa’t ¡kay laking pakakamali! ¡Agawan pala ng̃ dalawang puso sa isang pain ng̃ pag-ibig! Hindi ko po sinasabing malayo ang pamagat sa laman. Hindi po, sa pagka’t nalalaman kong may mg̃a taong iba ang pang̃alan sa asal. Lamang ay ipinagtatapat kong sumala ang aking hula.
Sa lahat ng̃ dahon ng̃ AGAWAN NG̃ DANG̃AL ay pawang makabagong pananagalog ang aking napuná. Sa kabaguhan ay mayroong mg̃a talatang nagkapilipilipit ang pagkasalaysay. Aywan ko lamang kung sinadyáng pinaikot ng̃ masiglang panulat ninyó, Bbg. Cortes.
¿Kung alin alin? Na itó po:
“Ang maayos na tabas ng̃ mukha ay napapatung̃an ng̃ maiitím na buhók”.
Paano po kaya ang bikas ng̃ mukháng yaón? ¡Napapatung̃an ng̃ maiitím na buhok! ¡Ina ko, kakilakilabot! Marahil ay sumusunong ng̃ maiitim na buhók at di napapatung̃an. (Maalaala ko pala.) Hindi rin masasabing sumusunong at lalo nang hindi napapatung̃an; sapagka’t lalabas na si Dolores ay panot, paano’y sunong o nakapatong lamang pala ang buhok...
Iba naman:
“..... sinungkit ..... ang mantekilya.....” [135]
¿Sinungkit? ¿Baka po kinahig? At kung ang sinungkit dito ay hindi mali, ay huwag naman kayong tumawa na sabihin kong “ng̃inalot ang tubig.”
Isa pa:
“Tumayo sa mesa.....”
¿Tumayo sa mesa? ¿Saan tumayo: sa ibabaw po ba ng̃ mesa? ¡Sus! ¿Si Dolores, ang mayuming dalaga, ang kaluluwa ng̃ kasaysayang ito, ang tatayo sa mesa? Hindi mangyayari. Bakit noon ay kasalukuyan pa namang sila’y nag aagahan. Baka mayroon pang lalong tumpak na masasabi ang Bbg. Cortes, ay siya sana nilang ginamit.
Ganito at iba pang gaya nito ang sinasabi kong mg̃a nagpandanggong pananagalog na makabago.
⁂
Pagtutuos:
Anhin ko man pong punahin ang mg̃a katang̃ían ng̃ dakilang panulat ninyo, binibining Cortes, ay lagi ring nananaig sa aking diwa at isipan ang mg̃a banal na layuning tinutung̃o ng̃ inyong akda. Ang mg̃a pansin na aking pinuna ay nagiging parang guhit na itim lamang sa isang malapad, matibay, marilag at napakapinong habi na niyári ng̃ inyong bago ng̃uni’t magiting na panitik. Anopa’t nakapagdadagdag lamang ng̃ kainaman ang mang̃ilang̃ilan ninyong bagong ayos ng̃ pananalaysay, sa mahalagang aklat. [136]
At upang patotohanan ay napapakagat-labi ako sa katalinuhan ninyo na makapagsabi ng̃:
“.....ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong ang mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya ang Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan.....”
Sa inyong matataas na isipang iyan ay kabilang ako sa mg̃a humahang̃a at hahang̃a sa inyong panulat.
At talagang marunong kayo sapagka’t marunong kayong magpahesus sa inyong aklat. Niwakasan ninyo sa taimtim at kalugodlugod na pagmamahal ni Dolores kay Artemio. Sinabi pa ninyong:
“¡Kay tamís ng̃ kamatayan kung gayón ang pagmamahal ng̃ mauulila!...”
Akó man po, Bbg. Cortes, ay makapagsasabi rin at talagang nais ko na rin ang mamatay kung may isang Dolores na tatang̃is sa aking pagyaón....
Honorato H. de Lara.
Taga “Ilog-Beata.”
AKLATAN ÑG “KAMI NAMAN”
BAKAS ÑG SAMAHAN
Ó ANG UNANG
BAHAGI ÑG KASAYSAYAN ÑG
“KAMI NAMAN”
(SAMAHAN ÑG MAHIHIRAP)
SAPUL SA PAGKATATAG HANGGANG SA WAKAS ÑG PAMAMAHALA NI G. A. DE LOS REYES
SINULAT NI
Bb. GORGONIA DE LEON
IKA APAT NA AKLAT ÑG AKLATAN ÑG
KAMI NAMAN
LUPON NG MGA MANUNULAT
(1915)
AKLATAN ÑG “KAMI NAMAN” 1045, DAANG ANAK ÑG BAYAN (Dating “CREMATORIO”), PAKO, MAYNILA, K. P.
Ang aklat na ito ay nilimbag sa dalawang ayos: nilimbag na kalakip ng̃ “Agawan ng̃ Dang̃al” at nilimbag na may sariling balat ó takip. Sino mang magnais na magkaroon ay makabibili sa mg̃a bilihan ng̃ aklat dito sa Maynila, sa halagang isang peseta (₱0.20). Ang mg̃a na sa lalawigan ay makapagbibilin sa Aklatan ng̃ “Kami Naman” sa halagang kahati (₱0.25). Ipalilimbag din ang pang̃alawang bahagi at magtataglay ng̃ mg̃a larawan; gaya ng̃ larawan ni G. Apolonio Umping, G. Paulino Centeno, at iba pang may halaga sa “Kami Naman”.
G. Francisco V. Dizon
Ang nagtatag ng̃ “Kami Naman” at nagíng unang Pang̃ulo ng̃ Samahang ito.
(Tunghayan ang dahong ika 3)
[3]
O ANG UNANG BAHAGI ÑG KASAYSAYAN ÑG
“KAMI NAMAN”
(SAMAHAN ÑG MAHIHIRAP)
SAPUL SA PAGKATATAG HANGGANG SA WAKAS ÑG PAÑGUÑGULO NI G. ANGEL DE LOS REYES.
Sinulat ni Bb. Gorgonia de Leon.
Noon ay ika 25 ng̃ Agosto ng̃ 1912. Sa umagang yaon ay isang panahong tagulan ang nagisnan ng̃ mg̃a taga Pako. Ang liwanag ng̃ ilaw ng̃ sangdaigdig ay di mang makagitaw sa makapal na ulap sa pang̃onorin. Nabigo ang mg̃a ibong sa tuwing umaga’y nagpupuri sa bagong liwayway. Walang nasisiyahan sa mg̃a sandaling yaon kung hindi ang mg̃a bulaklak na nagpapakasawa sa ulang hindi tumitila. Noon nasiyahan ang kanilang uhaw. ¿Ilan kayang puso’t kalulwa ang sumusumpa noon sa panahon dahil sa pagkapinsala ng̃ kanilang tipan?
Datapwa’t nagmasung̃it man noon ang panahon, ay may isang binatang nagtatanghal ng̃ kanyang kagiting̃an. Siya ay si G. Francisco V. Dizon, kawal ng̃ bagong kabihasnan. Siya ang lalong nagsikap na magsabog ng̃ liwanag ng̃ araw ng̃ sigla ng̃ kabataan sa nayon ng̃ Sapote sa Pako. Ang ulan ay di niya ikinabalino, [4]bagkus sa pamamagitan ng̃ isang payong ay isa isang sinusundo ang kanyang mg̃a kaibigan upang magtulongtulong sa pagbalangkas ng̃ isang Samahan. Ano pa’t walang alinlang̃ang dapat sabihin na utang sa kanya ang kilusang yaon ng̃ kabataan.
Sa isang tahanan sa nayon ng̃ Sapote, Pako, Maynila, ay doon nagkatipon ang ilang magkakapanalig. At sa pang̃ung̃ulo ng̃a ni G. Dizon, ay sumipot sa silong ng̃ lang̃it ng̃ Pilipinas ang isang bigkis ng̃ kabataang pilipino. Sa mungkahi ni G. Luciano Suarez ay bininyagan ng̃ “Kabataang Sikat”. At, palibhasa’y pawang tinitibukan ng̃ isang pusong uhaw sa dunong at aliw, ang mg̃a nagkakatipong yaon, ay «magpalakas at magpatalino» ang pinagsaligan ng̃ pagkabuo ng̃ Samahan. Aralan ang mg̃a pinagkaitan ng̃ ilaw ng̃ dunong at aliwin ang mg̃a ulila sa ligaya, iyan ang tang̃ing layon. At sa gayon ay nayari ang balak ni G. Dizon. Dapat alalahaning kinabukasan ng̃ araw na yaon, ay siyang ika 26 ng̃ Agosto, araw na napakaningning sa dahon ng̃ kasaysayan ng̃ Pilipinas, sapagka’t siyang araw ng̃ unang pagsigaw ng̃ kalayaan ng̃ bayang api ng̃ kapwa bayan.
G. Amado Jacinto.
Naging Pang̃ulo ng̃ Samahang “Mapagsikap” sa Malabon, Rizal
(Tunghayan ang dahong ika 19)
Nang sumunód na Linggo, unang araw ng̃ Septiyembre, ay nagpulong na muli ang mg̃a nagsisigasig sa pagbang̃on ng̃ “Kabataang Sikat”. Sa mungkahi ni G. [5]Angel de los Reyes, ay binago ang pamagat at pinalitán ng̃ “Kami Naman”. “Kami Naman” ang ipinamagat, sapagka’t sa ibabaw ng̃ kalansay ng̃ mg̃a samahang nabuwag na, ang ibig sabihin ay “Kami naman ang magtutuloy ng̃ layong itaguyod ang buhay ng̃ mahihirap sa tugatog ng̃ dang̃al”....
Katulad din ng̃ ibang mg̃a Samahan at Kapisanan ay inabot ng̃ sakit na ning̃as-kugon ang “Kami Naman”. Salamat sa ilang matatalinong manggagamot at ang sakit ay naihanap din ng̃ lunas. Baga man ang “Kami Naman” noon ay para ng̃ bangkay na malamig, dahil sa pagpapabaya ng̃ ilan, ay muling sumigla. At noong ika 19 ng̃ Oktubre ng̃ taong 1912 rin, ay nagbitiw ng̃ tungkulin si G. Francisco V. Dizon at si G. Angel de los Reyes ang napahalili, na naging Pang̃ulo ng̃ Samahan.
Ang bagong pang̃asiwaan ay nagpahayag noon din ng bagong palakad at binago na pati ang layon ng̃ “Kami Naman”. Boong puso namang pinagtibay ng̃ lahat at sinalubong ng̃ magiliw na palakpakan.
Ang mapanglaw na daing ng̃ mahirap, ang malungkot na taghoy ng̃ api, ang malumbay na hibik ng̃ mahina, iyan, iyan ang nagbukas ng̃ bagong isipan sa puso at diwa ng̃ bagong Pang̃ulo. Binago ng̃a ang dating saligan ng̃ Samahan. Ang layong magliwaliw at magpatalino ay dinagdagan ng̃ pagdadamayan. Sa [6]gayon, ay hindi pawang kabataan lamang ang yumakap sa “Kami Naman”, kung hindi sampu ng̃ may mg̃a gulang na ay nakitulong.
“Buhayin ang naghihingng̃along pagkakapatiran” ang naging saligan na ng̃ “Kami Naman”. At ang naging pananalig ay “Ang hirap ay bung̃a ng̃ kapabayaan, at na sa tiyagá ang pagtatagumpay”.
Kapalaran mandin ang siyang sumubaybay sa bagong pang̃asiwaan at ng̃ sumunod na Sabado ng̃ pagkahalal sa kanila ay nagtanyag na ng̃ kanilang di karaniwang lakas at magagawa. Sa bahay paaralan sa daang Dart, Pako, ay ginanap ang pagtatanghal ng̃ Samahan. Sa lamayang yaon ay may apat na raang tao ang dumaló. Ilang matatalino at litaw na mananalumpati ang nagpaningning sa pagdiriwang. (Ang buong tala ng̃ kasayahang yaon ay matutunghayan sa pang̃alawang aklat ng̃ Aklatang “Kami Naman” na Tuntunin ng̃ Pulong.)
G. Aurelio Tolentino
Bantog na mandudula, matalinong manunulat at matapang na mamamahayag. Sa larang̃an ng̃ pananagalog ay kinikilalang isa sa mg̃a may mataas na uri at may tang̃ing pananalaysay. Siya ang kumatha ng̃ dulang “Bagong Kristo” na nagtamo ng̃ isang gantingpalang panulat na ginto. Siya rin ang lumikha ng̃ bantog na dulang “Kahapon, Ng̃ayon at Bukas”; dahil sa kagiting̃an ng̃ dulang ito ay piniit siya ng̃ Pamahalaang Amerikano. Siya ang sumasagot kung ano ang unang aklat ng̃ Aklatan ng̃ “Kami Naman”.
(Tunghayan ang dahong ika 19)
Dahil sa bagyong nanalanta sa Sebú noong Oktubre ng̃ 1912, ang “Kami Naman” ay nagsimula ng̃ pakikisama sa bayan. Binahaybahay na tinawagan ang maawaing pusó ng̃ pilipino sa Sapote, at lumikom ng̃ isang halagang iniabuloy sa mg̃a nasawi. At dahil sa pagkamatay ng̃ ilang angkan ng̃ mg̃a kanayon na kapwa anak-dalita, ay dumulog na naman ang “Kami Naman” sa bahaybahay upang [7]abuluyan ang kapatid na dinatnan ng̃ palad. Dapat talastasing ang mg̃a unang inabuluyan ng̃ “Kami Naman” ay mg̃a taong ni ayaw man lamang makiyakap sa Samahang ito.
Sa ikapapaanyo ng̃ damayan ay bumalangkas ng̃ mg̃a batas na susundin ng̃ magkakapatid; at mula ng̃ unang araw ng̃ Disyembre ng̃ 1912 ay nagsimula sa pag-iral. Marami rin ang mg̃a namatay at namatayang mg̃a kapatid. Sa malinis at maselan na pang̃ang̃asiwa ng̃ Ing̃atyamang si G. Dario Malonzo, lahat ay pawang tumanggap ng̃ abuloy na nararapat. Walang nabinbin sa kanyang karapatan, bagkus ang lahat ay pawang nagtamo ng̃ nauukol sa kanila sa lalong madaling panahon.
Dumatal ang ika 30 ng̃ Disyembre ng̃ 1912, araw na ipinang̃ing̃ilin ng̃ lahat ng̃ pilipino. Ang “Kami Naman” at ang nayong Sapote ay nagtuwang sa pagbubunyi sa lalong dakilang taga Silang̃an. Nagdaos ng̃ isang dulang hayag, nagkaroon ng̃ tugtugan, nagilaw ang boong nayon at nagtayo ng̃ mg̃a arko. Ang lalong kapunapuna ay ang pagiisa ng̃ nayon na pawang parol ng̃ “Kami Naman” ang ginamit. At natapos sa ganap na kasyahang loob ng̃ lahat. Ang salaping lumabis sa pagdiriwang ay inihandog sa “Kami Naman” ng̃ kapulung̃an ng̃ nayon, na parang ganting pala sa maayos na pang̃ang̃asiwa sa pagdiriwang. [8]
Sumunod na ibinunsod ng̃ Samahan ay ang balak ni G. Marcelino Dizon na lumikom ng̃ isang kusang ambagan upang ibili ng̃ kasangkapang pang-apula ng̃ sunog. Nakatagpo ang balak na ito ng̃ mg̃a balakid at binaka ng̃ ilang di nasisiyahan. Gayon man ay pinang̃atawanan din ng̃ Samahan at nakabili rin ng̃ mg̃a palakol at timba na magagamit karakaraka sa isang simula ng̃ sunog. Hanggang ng̃ayon ay nakatanghal at nakahanda ang mg̃a kasangkapang ito sa nayong Sapote.
Ang munisipyo ng̃ Maynila ay siya namang hinarap ng̃ “Kami Naman”. Sunodsunod na daing at kahiling̃an ang iniharap upang ang nayong kinatatayuan ng̃ Samahan ay ipaayos. Pinilit na maglagay man lamang ng̃ gripo, sapagka’t noon ay nagkakahalaga ng̃ anim ó limang sentimos ang bawa’t dalawang timba ng̃ inumin sa pook na yaon. Bihirang linggo ang walang panawagan sa pitak ng̃ pahayagan sa Maynila. At humangga sa paglalagay ng̃a ng̃ gripo at pagtatakda ng̃ pamahalaan ng̃ apat na libong piso sa ikaaayos ng̃ nayon. Ito ang lalong malaking tagumpay na tinamo ng̃ “Kami Naman”.
Upang iligtas sa sakit ang mg̃a kanayon dahil sa malabis na paglulusak sa pook ng̃ Sapote, ang “Kami Naman” ay nagtayo ng̃ mg̃a tulayang kawayan sa tulong ng̃ nayon.
G. Honorato H. de Lara
(Tunghayan ang dahong ika 21)
[9]
Nang hakutin ng̃ mg̃a sanitaryo ang mg̃a kawani sa Limbagan ng̃ Pamahalaan at kulung̃in sa Pagamutang San Lasaro, dahil sa mikrobyo ng̃ dipterya, ang “Kami Naman” ay siyang tang̃i at kusang umabuloy sa mg̃a napinsalaang yaon. Wala ni isang kasapi sa “Kami Naman” na napalahok doon, datapwa’t ginawa ang pagdamay sa paniniwalang magkakapatid na lahat ang mahirap. At ito’y tinugon ng̃ di gagaanong pasalamat ng̃ mg̃a dinamayan. Noon ay Marzo ng̃ 1913.
Sa gayong mg̃a ipinakisama ng̃ “Kami Naman” sa bayan ay marahang sumusung̃aw ang kanyang kabantugan. At lalo pang nabantog siya pagkatapos ipagbunyi ang ika isang taong buhay ng̃ Samahan. Paano’y dalawang araw na ginawa ang kasayahan: ika 13 at ika 14 ng̃ Septiyembre ng̃ 1913. Nagbukas ng̃ timpalak ng mg̃a dula at gilasan ng̃ artista, na siyang kaunaunahang timpalak na may ganitong uri na idinaos sa sangkapuluang Pilipinas. Nagdaos pa ng̃ isang misang alaala sa lahat ng̃ mg̃a kasaping nang̃amatay sa ilalim ng̃ watawat ng̃ “Kami Naman”. Nagkaroon ng̃ binyag at kumpil at maghapong mg̃a palaro. Ang nabantog na banda ng̃ Meralko ay siyang tumugtog. At tinapos ang kasayahan sa isang magiliw na salosalong kapatid. Alinsunod sa mg̃a pahayagan dito sa Maynila ay mahigit na apat na libong [10]tao ang dumalo sa mg̃a pagdiriwang na yaon. Dapat namang magkatotoo, pagka’t may mg̃a nagtayo pa ng̃ mg̃a tindahan at lahat halos ng̃ tahanan sa Sapote ay may kanikanyang handa. Ano pa’t ang pagdiriwang ng̃ “Kami Naman” ay naging parang pista ng̃ nayon. Sapul na noon ang “Kami Naman” ay nabantog na ng̃ gayon na lamang at ang lalong nakatawag sa diwa ng̃ marami ay ang mg̃a kartelong nagsabit sa trambiya na nagbansag ng̃ kasiglahang ipamamalas ng̃ “Kami Naman”.
Ang isa pa sa mg̃a pagdiriwang ng̃ Samahang ito na hinang̃aan din ng̃ madla ay ang pagtatanghal ng̃ mg̃a “Bituin” ng̃ “Kami Naman”. Ginanap noong ika 21 ng̃ Disyembre ng̃ 1913, sa Dulaang Angel sa Singalong. Mahigit sa tatlong libong tao ang nanood. At noon ay minsan pang itinampok ang mayamang uri ng̃ mg̃a babaing pilipina.
G. Rosendo S. Cruz
Kumatha ng̃ “Tuntunin ng̃ Pulong” na ikalawang aklat ng̃ Aklatan ng̃ “Kami Naman”
(Tunghayan ang dakong ika 19)
Sa mg̃a pamamahayag ng̃ bayan ang “Kami Naman” ay palaging nakikilahok; ng̃uni’t pakikilahok na di sa gayongayon na lamang, kung hindi pakikilahok na kapunapuna; yaong nakapagpaparing̃al at umaani ng̃ papuri. Kung walang karrosa ang “Kami Naman” ay nakalulan naman sa sasakyan ang kanyang mg̃a kinatawan. Datapwa’t hindi sa iisang sasakyan lamang kung hindi sa pito o labing apat kaya. At sa loob ng̃ dalawang taon ay labing dalawang ganting pala ang [11]tinamo ng̃ “Kami Naman”. ¿Ano pang sigla ang hahanapin? ¿Ano pang kilos ang magagawa? Wala na. Hanggan diyan na lamang talaga ang isang samahan.
Kasabay ang pagsisigasig na magtamo ng̃ lalo at lalong karang̃alan, ang “Kami Naman” ay nagpapakatatag sa kanyang tayo. Inakala ng̃ Pangulong De los Reyes na ang pagkakaibaiba ng̃ hilig ng̃ mg̃a kasapi ay dapat tapatan ng̃ kanikanyang ikasisiyang loob. Dahil dito ay binahagi niya ang “Kami Naman” sa iba’t ibang Lupon na may kanikanyang uri, layon, pananalapi, at mg̃a kaanib.
Ang unang Lupon ay ang Damayan. Magabuloy sa namatay o namatayang kasapi ang layon. Lupon sa Kalakal ang pang̃alawa at nagsimula ng̃ pagkilos noong Pebrero ng̃ 1913. Disyembre ng̃ 1913 itinatag ang Lupon ng̃ mg̃a Bituin na binubuo ng̃ pawang mapanghalinang binibini. Sila ay mg̃a kasaping pangdang̃al sa “Kami Naman”. Disyembre ring yaon ng̃ itatag ang Lupon sa Pagpapalakas. Bago sumipot ang masikap at masiglang Lupon ng̃ mg̃a Manunulat.
Lahat ng̃ lupon na ito ay nagtanghal ng̃ kanikanyang lakas at magagawa. Bawa’t isa’y naghandog ng̃ matatayog na papuri sa boong Samahan. At sa lubos na paghang̃a ng̃ isang kasapi sa “Ilog Beata” sa kakisigan ng̃ “Kami Naman” ay tinula niya ang kasunod:
G. Ramon S. Torres
Kalihim Tagapahayag ng̃ Samahan ng̃ mg̃a mananagalog na “Ilog Beata” at tumula ng̃ tulang “Kami Naman”
(Tunghayan ang dahong ika 12)
[12]
Bayang inaapi, ako’y nananalig
na ang bawa’t sikat ng araw sa lang̃it,
taglay ang tinig mong malungkot na tinig.
At iya’y hindi ko matalos kung bakit
ikaw’y lumuluha, ikaw’y tumatang̃is
gayong may lakas ka’t may Bayaning Bisig.
Subali’t hintay ka; aking ibubuhay
ang isang alagad na dapat asahan.
Luming̃on ka roon, sa dakong Timugan
at mamamalas mong na nawawagayway
ang isang Bandilang kapitapitagan
ng kilala’t bantog na ang KAMI NAMAN.
Yao’y Kapisanang sagana sa lahat,
sagana sa dunong, sagana sa lakas
at hindi marunong matakot sa tawag
ng kanyang kalabang mayaman sa gilas,
pagka’t alam niya’t kanyang natatatap
na ang Mundong ito’y Mundo ng̃ pang̃arap.
Isang Kapisanang ang bawa’t kasapi
ay may siglang taglay na kahilihili:
isang Kapisanang ang hakbang ay laging
tung̃o sa pagsulong, tung̃o sa lwalhati:
sapagka’t ang kanyang darakilang Mithi’y
itanggol ang api: matwid ay maghari.
Yao’y binubuu ng dukha’t mayaman
ng mangmang at paham, bata at may gulang,
sapagka’t ang kanyang isang patakaran
na salig sa loob noong Kapisanan,
ang dukha’y ibang̃on, ang aba’y tulung̃an,
wala ni mataas; pawang pantaypantay.
At, ito’y tulain ng̃ mg̃a makata,
dakila sa lalong Samahang dakila,
maningning sa lalong maningning na tala;
at sapagka’t ito’y butihing diwata,
ako, ikaw, sila, ang lahat na’y pawa
namang gumigiliw at nagsisihang̃a.
Kay Francisco Dizon dapat kilalanin
ang pagkakatatag ng̃ napakagiting
na Samahang yaong may tang̃ing layunin:
siya ang pumukaw, siya ang gumising
sa nang̃atutulog na mga damdaming
na nang̃alalang̃o sa pagkakahimbing.
Angel de los Reyes: iyan ang pamagat
ng kanyang pang̃ulo nang ito’y matanyag;
Rosendo S. Cruz: isa ring masikap;
Yaman na ang Bayan sa gitna ng gubat
ay hindi nagtamo ng magandang palad
kung kaya nangyaring yao’y itinatag.
Hindi ba’t ang taong likha ni Bathala
ay taglay sa kanyang pagsipot sa lupa
ang mga Tuntuni’t Batas ng Paglaya?
Kung ito’y totoo: ¿bakit lumuluha
tayong naririto? Pang̃arap ng̃a yata
lamang ang umasa’t maghintay sa wala.
Hindi lamang yoon para sa lalaki
kung hindi laan din sa mga babai:
naron si Pascuala Pintor na may iwing
ng̃iti na ang bawa’t ng̃iti ay pagkasi;
naron si Conchita; at isa pang saksi,
si Anitang laging dinidilidili.
Nang̃agsapisapi ang mga binata,
ang kadalagaha’y humalo sa haka
na ang Lang̃it nati’y itanghal, ipala,
sapagka’t ang ating darakilang nasa’y
ibang̃on ang bayan nating lumuluha’t
humarap sa lalong malakas sa lupa.
Oo nga at tunay na dito’y nagkalat
ang mga Samaha’t Kapisanang tanyag
subali’t tulutang aking maisaad
na ang KAMI NAMAN Samahang mahirap,
sa matuling agos ng luha ng palad,
ay ito ang siyang darampi, huhugas.
Ramon S. Torres
Taga “Ilog-Beata”.
Tundo, Maynila, K. P.
Sa likod ng̃ mg̃a papuring ito sa “Kami Naman” ay mayroon namang mg̃a naiinis sa di maalamang sanhi. Aywan kung anong suliranin ang nagbubuyo at ang mg̃a ito ay nagpapakaimbi sa pagwawasak ng̃ Samahan. Kinakalaban ang sariling damdamin, niyuyurakan ang sariling dang̃al, at binubulag ang sariling paning̃in. Hindi pa man ipinang̃ang̃anak ang “Kami Naman” ay binanta ng̃ lasunin. Sa kanila ang lahat ng̃ kilos ng̃ “Kami Naman” ay pawang hindi matwid. Salamat sa pusong matimpi ng̃ Pang̃ulong De los Reyes at di man siya natukso. Salamat din sa kalamigang loob ng̃ mg̃a kasapi at di man sila nabalino. Talagang gayon: ang tao habang natatanyag ay lalong dumadami ang kaaway. At ang Samahan upang mabuhay kung minsa’y dapat magkaroon ng̃ mg̃a kalaban.
G. Sofronio G. Calderon
Guro ng Wikang Tagalog sa Young Men’s Christian Association at isa sa mg̃a humahang̃a sa “Kami Naman”
(Tunghayan ang dahong ika 17)
Kung paanong sa kasaysayan ng̃ Pilipinas ay may isang siglo oscuro o isang daang taong madilim, ang “Kami Naman” [15]ay nagkaroon din. Dahil sa katapang̃an ng̃ isang kalulwa at dahil sa pagkatupad ng̃ wikang ang pagtitiwala’y nakamamatay, ay nagkaroon ng̃ isang maaling̃awng̃aw na usapin ang mg̃a nagtataguyod ng̃ Samahan. Dapat malamang ang usapin ay sa ilang tao lamang at di ng̃ boong Samahan. Ang Pang̃ulo at ang Ing̃atyaman ay kapuwa inupasalaang umano’y mg̃a magnanakaw. Hinubaran ng̃ puri at tinanghal na mg̃a magdaraya. Hindi na kinilala ang pagkatao ng̃ mg̃a nagbintang at pinagbibintang̃an. Hindi na siniyasat ang kasaysayan ng̃ isa’t isa. ¡Kay taas na ganting pala sa nagpapakamatay sa pagtataguyod ng̃ isang Samahan! Sa gayo’y umawit ng̃ tagumpay ang mg̃a sumasamantala sa sigalot. Ang pagkatagpo nila ng̃ babaing lumabag sa kanyang kahinhinan ay siyang nagpatibay sa paguusig na ito. Ng̃uni’t sa pitak ng̃ mg̃a pahayagan ay tahasang inilahad ni G. De los Reyes, ang boong nangyari. At sa likod ng̃ sigalot na ito ang mg̃a umusig din ang nagpapahayag na batid nilang walang salaping nawawala. Ano pa’t paghihiganti o pagkainis lamang ang kanilang ginawa. Matapat na awa ang dapat iyukol sa namamatay sa pagtupad sa kanyang pananalig....
Ipalagay ng̃ ang Pang̃ulong De los Reyes at ang Ing̃atyamang Malonzo, ay nagkasala; bulagin na natin ang ating dang̃al at bing̃ihin na natin ang ating [16]damdamin; aminin ng̃ sila’y nagkamali: ¿ano ng̃ayon? ¿Anong kapinsalaan mayroon sa Samahan? ¿Ang G. De los Reyes ba at ang G. Malonzo ang “Kami Naman”? ¿Sila bang dalawa ang bumubuo ng̃ Samahan? ¡Hindi! ¡Hindi! At ang sumamba sa gayon ay walang pagsampataya sa kanyang dang̃al....
Upang pabulaanan pa ang kumalat na balita, na ang “Kami Naman” ay naligalig, ay na ito naman ang bahagi ng̃ ilang salaysay ni G. De los Reyes:
“....Sa isang Samahang na walang tumitiwalag ni itinitiwalag na kaanib, ang Samahang iyan ay buo, matatag, at buhay. Iyan ay pinaghaharian ng kapayapaan at sapupo ng lalong matamis, dalisay, at matimyas na pagkakapatiran....”
Palibhasa’y lubos ang pagtitiwala ng̃ mg̃a kaanib sa “Kami Naman” sa kanilang Pang̃ulo at Ing̃atyaman ang Samahan ay di mang naligalig sa sigalot na nangyari sa mg̃a nagtataguyod ng̃ Samahan. Bagkus lalong nagibayo ang sikap at sigla. At upang lalong mapaayos ang Damayan ay itinigil ng̃ may dalawang buwan. Ang Damayan lamang ang itinigil dahil sa pagbibitiw ng̃ tungkulin ni G. De los Reyes. Pagkatapos ayusin ay naghahalili ng̃ Pamahalaan ng̃ Samahan. Ano pa’t malaking kabulaanan ang ipinamamansag ng̃ iba na nalansag na raw ang “Kami Naman”. Hindi, hindi nalalansag. Hayan at kumilos ng̃ boong [17]sigla at boong ningning. Gaya rin ng̃ dati ay nakatayo pa ang kanyang mg̃a haligi.
Bb. Fausta Cortes
Pang̃ulo ng̃ Lupon ng̃ mg̃a Manunulat at siyang kumatha ng̃ “Agawan ng̃ Dang̃al” na ikatlong aklat ng̃ Aklatan ng̃ “Kami Naman”
(Tunghayan ang dahong ika 21)
Sa kabantugan ng̃ “Kami Naman” ay malaki ang naitutulong ng̃ Lupon ng̃ mg̃a Manunulat. Nagbukas ito ng̃ isang aklatan sa kapakinabang̃an ng̃ lahat. Kasapi at hindi sa “Kami Naman” ay binibigyan ng̃ laya. Doon ay sarisaring pahayagan at iba’t ibang aklat ang nagaantabay sa kahi’t kanino.
Bukod sa pagsisikap ng̃ Lupon ng̃ mg̃a Manunulat ng̃ “Kami Naman” na makapagpalabas ng̃ mg̃a akda, ay naguukol din ng̃ panahon sa paglilinang ng̃ wikang tagalog. Ang katotohana’y napalaban na sila sa tanyag na Aklatang Barusog. Ang mg̃a taga “Kami Naman” ay ayaw gumalang sa pagpatay ng̃ N sa piling ng̃ G̃. Ano pa’t hindi sila kaayon sa modang ang ANG ay isulat ng̃ AG̃ (pinatay ang N). Ang mg̃a taga Aklatang Barusog ay nagtanggol naman sa kabilang panig.
Sa mg̃a ikinilos na ito ng̃ Lupon ng̃ mg̃a Manunulat ng̃ “Kami Naman” ay kinilala ni G. Sofronio G. Calderon ang kanilang pagsusumakit. At na ito ang isa niyang lathala na tumutukoy sa:
Ito ng̃ang wikang Tagalog, itong wika nina Solima’t Lakandula, nila Balagtas at Pilapil, nila Rizal na ng̃ayo’y kasalukuyang pinagmamasakitan [18]ng Aklatang KAMI NAMAN, ay hindi lihim, at sa katunayan ay nariyan ang lagda ng mga bantog na mananalaysay na kumilala ng kasakdalan ng wikang ito, palibhasa’y ang wikang Tagalog ay isang wikang may sariling likas, may sariling ganda, may sariling yaman at isang wikang maipagbabadiya ng tanang saloobin at damdaming sumasapuso’t ísip ng tao; anopa’t sa katagang sabi, itong wikang Tagalog na ating kinamulatan, nilakhan at pinaka kaluluwa ng ating bayan ay may dakilang kapakanan ayon sa pagkakaakma’t pagkakabalangkas sa isang paraang tumpak at kagilagilalas.
Sofronio G. Calderón.
Dahil sa talino ng̃ isa sa mg̃a “Bituin” ng̃ “Kami Naman” ang Lupon ng̃ mg̃a Manunulat ay nagkamit ng̃ karang̃alang sa “Kami Naman” nanggaling ang ikatlo sa mg̃a babaing pilipina na kumatha ng̃ kasaysayan. Iyan ay si Bb. Pascuala Pintor na sumulat ng̃ nobelang “Tagumpay ng̃ Api”, na siyang unang aklat na pinalabas ng̃ Lupon ng̃ mg̃a Manunulat. Kung ¿ano ang “Tagumpay ng̃ Api”? ang isang liham ni G. Aurelio Tolentino ang dapat sumagot:
“Bb. Pascuala Pintor.
“Mahal na binibini:
“Tinanggap ko po at pinasasalamatan ang mahalagang handog ninyo sa akin, isang salin ng inyong matalinong nobelang “Tagumpay ng Apí”.
“Kulang ang lahat ng papuring kaya kong sabihin, upang tumbasan ang hiwagang sarap ng aklat na nabanggit. Bukod sa talagang may [19]kalugodlugod na ganda sa pagkakahanay ng mga salitang bihis ng kanyang mayayamang isipan, ay naghahandog pa sa damdamin ng ulirang buhay na gaya ng kay Teban, aralan gaya ng kay Titay at katarungang gaya ng kay Mameng at kay Leon.
“Palibhasa’y marami na ang mga nobelang Tagalog; dahil sa mga mahahalaga rin naman ay maitutulad sa isang kuwintas na gintong sinasagisag ng bagong buhay. Ang “Tagumpay ng Apí”, ngayong mapakituhog sa kuwintas na iyan, ay naging pinakamaluningning na «relicariong» tinampakan ng makikinang na batong diamante, at may mahal na laman sa loob, ang buhay na larawan ng kabaitang nagtagumpay sa dagok ng kapaslangang binigti ng katarungan ng sariling damdamin.
“Naghihintay pagutusan ang talisuyo nilang si
“Aurelio Tolentino.
“Maynila, ika 30 ng Junio ng 1914.”
Sumunod na pinalabas ng̃ mg̃a manunulat ng̃ “Kami Naman” ang aklat ni G. Rosendo S. Cruz. “Tuntunin ng̃ Pulong” ang pamagat at gaya rin ng̃ “Tagumpay ng̃ Api” ay nagtamo ng̃ mg̃a bati at papuri. Isa na rito ang kalatas ng̃ isang taga Malabon, Rizal, na si G. Amado Jacinto. Aniya’y
“Malabon, Rizal, S. P.
“Ika 30 ng Okt., 1914.
“G. Rosendo S. Cruz.
“Mahal na kaibigan: Tinanggap ko ang isang salin ng iyong mahalaga at munting aklat na ang pamagat ay “Tuntunin ng Pulong”, at ako’y nagpapasalamat ng marami.
“Rosendo, ang iyong aklat, sa ganang sarili ko, ay dapat mong ipagkapuri. ¿At bakit? Sapagka’t [20]sa aklat mong itong maliit at mura lamang ay mayroon kang isang dakilang bagay na matuturo. At ito’y ang pagpapakilala mo sa iba, na ang kahalagahan ng isang katha’y wala sa kapal at sa laki, kundi nasa uri at saka sa layon: uring siyang bilang pinakapagaari ng isang aklat, at layon namang siyang tunay na ariariang kinapapalamnan ng dañgal ng isang kumatha.
“Ang uring tinutukoy ko rito ñgayon ay hindi ang tungkol sa kalinisan o karumham ng literatura, kundi ang kung nakapagtuturo o hindi nakapagtuturo; at ang sa layon nama’y kung mabuti o híndi, samakatuwid ay kung ang pakinabañgan o makinabang lamang.
“Kapag ang isang aklat ñga’y may uring nakapagtuturo at may mabuting layon, para sa akin ay sukat na, upang kalugdan kong basahin at hanggang sa purihin pa pati ng kumatha.
“¡At lalo pa marahil, kung ang kumathang iya’y isang kaibigang katulad mo! ¿Hindi ba?
“Tungkol sa pagbabasa ng mga aklat ay aking maipagtatapat sa iyong ako ñga’y mayroon ng kakaibang panglasa kay sa dati, at ang sabi ko’y ganito, sapagka’t hindi na ako nalulugod ñgayon sa mga Felipe Trigo at Eduardo Zamacois, diyan sa mga mapaglarawan at mapaglikha ng mga kuwadrong nakapagpapagalaw ng laman at nakapagpapakalam ng balat, na sa mahinang loob ay sapat makapagdulot ng isang masidhing pagkakilití; kundi doon na unti-unting nawiwili ang aking loob sa mga Heberto Spencer at Samanuel Smiles, sa mga Noé Porter at Tomas Stanley.
“At dahil sa ganitong pagbabago ng aking hilig, ay huwag ilalaki ng iyong loob na ipalagay at sabihing kong ang aklat mo’y lalo pang kapuri-puri kay sa di iisa’t dadalawang naghahalaga riyan ng 40 at 50 sentimos, sa pagka’t ang iyo’y nakatutulong sa pagtitipid ng panahon ng mga samahan kung sila’y may pinagpupuluñgan, samantalang ang mga yao’y pawang [21]mga awit ding mistula ng nakalipas na panahon natin, iba ñga lamang ang pañgalan, anyo at bihis; dapuwa’y sing-isa ring walang nagagawa kundi ang magparami ng mga pañgahas, pilyo, at palalo.
“Iyan ang mga sanhi, kung kaya’t baga man may kulang at di mo binuó ang “Tuntunin ng Pulong” na iyong sinulat, ay hinahandugan din kita ng isang maligayang bati, na kasabay ng pakikikamay ko’y tanggapin mo rito sa tapat, at natatalaga mong kaibigan.
(May lagda.) “Amado Jacinto.”
Ang ikatlong aklat na ipinalimbag ay ang “Agawan ng̃ Dang̃al” na akda naman ni Bb. Fausta Cortes. Ang nagpanukala’t nagtatag ng̃ mg̃a balitang “Ilaw at Panitik”, “Aklatang Barusog” (mg̃a Samahan ng̃ mg̃a manunulat na tagalog) at “Hijos del Siglo” na si G. Honorato H. de Lara ay siyang nagpakilala sa madla kung ano ang “Agawan ng̃ Dang̃al”.
Isang liga ng̃ indoor base ball ang itinanyag naman ng̃ Lupon sa Pagpapalakas. Ang bituing Concepcion Magallanes ay siyang naghagis ng̃ unang pukol ng̃ bola. Limang team ang lumaro at ito’y ang “Marte”, “Katubusan”, “Sinag Kapuluan”, “Makabayan”, at “Kami Naman”. Ang “Marte” ang nagtamo ng̃ tang̃ing gantingpala.
Ang Lupon ng̃ mg̃a Bituin ay kalabisan ng̃ sabihin pa kung ano ang nagawa at ginagawa. Sukat ang ipagtapat na utang sa mg̃a “bituing” ito, ang lahat ng̃ ikinilos ng̃ “Kami Naman”. [22]Paano’y sila ang buhay at kalulwa ng̃ Samahan.
Patuloy sa magiliw na pagdadamayan ang Lupon sa Damayan.
Ng̃uni’t ang Lupon sa Kalakal ay napahimbing. Ang Lupon na ito lamang ang nagmintis. Gayon ma’y nakapagtayo rin ng̃ tindahan noong Febrero ng̃ 1913, baga man nabuhay ng̃ may anim na buwan lamang.
Sa mg̃a kasiglahang ito ng̃ mg̃a lupon ng̃ “Kami Naman” ang Samahan ay palaging nakapagwawasiwas ng̃ watawat ng̃ tagumpay sa lahat ng̃ kanyang balak. At man sa tuwing bago siyang panukala, ang mg̃a pahayagan ay nang̃agsabing «Bagong maningning na dahon na naman ang mapaparagdag sa hinahang̃aang kasaysayan ng̃ “Kami Naman”.»
At dapat namang dakilain ang “Kami Naman”, palibhasa’y isang samahang nakikipagkapatiran sa lahat, sampu sa mg̃a nagpapakaimbi sa pagpatay sa kanya. Kung totoo mang may mg̃a kamaliang nagawa ay totoo rin namang lalong marami ang tumpak na pinang̃atawanan.
Diyan natapos ang dalawang taong pamamahala ni G. Angel de los Reyes na nagwagi sa tatlong halalang sunod-sunod sa pagka Pang̃ulo ng̃ Samahan.
¡¡¡Panahon ang humatol sa magiging kapalaran ng̃ mg̃a samahang katulad ng̃ “Kami Naman”!!!
HANGGA
This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included with this eBook or online at www.gutenberg.org.
This eBook is produced by the Online Distributed Proofreading Team at www.pgdp.net.
Agawan ng Dangal is a Tagalog romance novel published by a socio-civic youth organization called Kami Naman. Aside from the novel, this book contains a section on the history of Kami Naman.
In the novel, Beteng, a rich young man, is a suitor of a beautiful maiden named Dolores (Loleng). Artemyo acts as Beteng’s “bridge,” serenading Loleng to win Beteng her affection. Unfortunately for Beteng, Loleng falls for Artemyo instead. Beteng is hurt by Loleng’s rejection and sets out to tarnish Artemyo’s reputation, or rob him of honor (agawan siya ng dangal).
Scans of this work are available from the Internet Archive (copy 1).
Ang elektronikong aklat na ito ng Proyektong Gutenberg ay may mga reperensiyang hindi nakapaloob. Ang mga link para sa mga ito ay maaaring hindi gumana.
Ang mga sumusunod ay ang mga pagwawastong ginawa sa teksto:
Pahina | Orihinal | Pagwawasto |
---|---|---|
VI | ng̃ | ni |
VII | sarile | sarili |
VIII | suliranin | suliraning |
VIII | bagay | baga’y |
X | AGAWANG | AGAWAN |
15 | ang̃ | ang |
16 | dooron | doroon |
19, 69, 77 | — | |
21, 30, 30, 123 | [Wala sa orihinal] | ¡ |
22 | mahinhin | mahinhing |
23 | áyon | ayon |
24 | gina | gitna |
36, 49, 51, 52, 67, 68, 110, 3 | ng | ng̃ |
37 | pinakikibang̃an | pinakikinabang̃an |
40 | isasad | isasaad |
40 | Luming̃os | Luming̃on |
53, 78, 91, 98 | [Wala sa orihinal] | — |
53 | kanyang̃ | kanyang |
54, 59, 123, N.A. | [Wala sa orihinal] | . |
55 | namang | naman |
70 | ni | ng̃ |
78 | [Wala sa orihinal] | ¿ |
81 | haban | habang |
83 | Humakban | Humakbang |
83 | walá | wala |
84 | kaawawa | kaawaawa |
84 | ni | si |
88 | Bala na’y | Balana’y |
100 | sa sa | sa |
105 | na na | na |
107 | kanilang̃ | kanilang |
112 | Itangis | Itang̃is |
121 | NG | NG̃ |
122 | hangal | hang̃al |
123 | nga | ng̃a |
124 | saan | saang |
125 | hangga | hanggang |
125 | mga | mg̃a |
126 | [Wala sa orihinal] | , |
126 | hinahang̃aan | hinahang̃aang |
127 | binigyang | binigyan |
128 | magbibinhi | nagbibinhi |
129 | Ilang | Ilan |
129 | nasa | na sa |
130 | Jaires | Jaurès |
130 | kong ng̃a | ko ng̃ang |
131 | nakikita | nakikilala |
131 | [Wala sa orihinal] | [...] |
132 | bayang | bayan |
134 | magandang | maayos na |
N.A. | NG | ÑG |
5, 22 | ng̃ | ang |
10 | nakapunapuna | na kapunapuna |
12 | : | ; |
14 | Namsn | Naman |
18 | KAMI-NAMAN | KAMI NAMAN |
20 | iay | ay |
20 | isag | isang |
20 | sapagtitipid | sa pagtitipid |
21 | ding | din |
21 | . | , |